Advertisers
Hinikayat ng Federation of the International Cable TV and Televisions Association of the Philippines (FICTAP) ang pamahalaan na papasukin ang mga kwalipikadong negosyante sa internet industry para sa mas maayos na serbisyo.
Ginawa ni Neng Juliano-Tamano, national chairman ng FICTAP na may mahigit 600 miyembro, ang panawagan nang maging panauhin ito sa kauna-unahang Meet the Press State of the Nation Media Online Forum ng National Press Club ngayong Biyernes.
Ayon kay Juliano-Tamano, mas maraming papasok na telecommunications providers, mas maganda ang magiging serbisyo sa taumbayan, lalo ngayong pangunahing pangangailangan ang internet dahil sa online classes.
Ikinalungkot ni Juliano-Tamano ang kaso ng isang estudyante na nagpakamatay dahil sa napagalitan ng guro nang walang maisumiteng assignment dahil sa kawalan ng internet.
Ibinulalas din nito na hindi prayoridad ng gobyerno ang pag-release ng mga in-import na equipment na kailangan para sa online learning.
Kung mamalasin umano, aabot pa ng anim na buwan bago maikabit ang modem dahil hindi agad naire-release mula sa Bureau of Customs ang mga inangkat na equipment para rito.
Aniya pa, nauubos ang kapital ng maliliit na cable operator na miyembro ng FICTAP dahil gumagastos sila sa pagkakabit ng Republic Wi Fi lalo na sa kanayunan subalit ‘di naman sila binabayaran ng DICT.
Nabatid na umabot sa P61M ang utang ng DICT sa FICTAP dahil sa mga ikinabit nilang Wi Fi sa loob ng apat na taon.
Sinabi pa ni Juliano-Tamano na sana’y tapusin muna ng DICT ang nauna nilang programa bago gumawa ng panibagong programa.
Idinagdag pa nito na dapat ipagbawal ang lock-in period na karaniwang dalawang taon na ipinatutupad ng telcos sa kanilang mga customer kaya’t ‘di basta makalipat ang mga dismayadong kliyente sa ibang telecommunication companies.
Samantala, hinikayat naman ni Department of Trade and Industry Usec. Gani Macatoman ang publiko na tulungan ang mga lokal na negosyante, lokal na manufacturer at bumili ng mga lokal na produkto.
Aniya, nasa 99.5% miyembro ng small and medium enterprises (SMEs) ang nag-aalok ng job opportunities sa mga kababayan lalo na ngayong panahon ng pandemic.
Sinabi ni Macatoman na mahigit 200 SMEs ang nagsusuplay ng iba’t ibang produkto sa ilang bagsakan ng mga produkto, tulad ng Bagsakan Event sa Greenhills. (PFT Team)