Advertisers

Advertisers

SCROOGE BELLO

0 506

Advertisers

Malamig na ang simoy ng hangin na maihahalintulad sa damdamin ng Kalihim ng Kagawaran ng Paggawa na si Scrooge Bello kung pagbabatayan ang mga lumabas na pahayag hinggil sa paggawad ng 13th month pay sa mga obrero ng pribadong sektor.

Mukhang pinapasok ng hanging amihan ang utak at puso ng kalihim sapagkat mayroon mandato sa sinumang mamumuhunan na magbigay ng 13th month pay sa lahat ng kanilang regular na obrero. Batay ito sa bisa ng Presidential Decree 851.

Ngunit mukhang nais ni Scrooge Bello na ipagpaliban ang 13th month pay dahil ba epekto ng pandemya sa mga negosyo. O mayroon sa kanya na nagdidikta na hindi maayawan?



Kahit hindi pa man ito lumalabas, malinaw na walang batayan ang paglalabas ng department order, o DO, dahil hindi maaring mapasailalim ang Presidential Decree na isang pambansang batas na pinatutupad kontra sa isang utos (DO) na lokal lamang sa kanilang Kagawaran.

Malinaw na may pagkiling si Scrooge Bello sa mamumuhunan sa pagkakataong ito, gayung ang ngalan ng kanyang pinagsisilbihang Kagawaran ay Paggawa.

Ang ilan sa mga sinabi niyang pahayag ay kung maaaring ipagpaliban muna ang pagbibigay ng 13th month pay, o kaya sa halip ay bigyan ng exemption ang mga negosyo na apektado ng pandemya na dapat magbigay ng benepisyo ito.

Wow, galing pala ang mga pahayag na ito sa Kalihim na dapat ay walang kinikilingan. Hindi ito inaasahan sa isang Kalihim na noo’y kinikilala at kumikilala sa karapatan ng mga obrero; ngunit hindi na ngayon. Nag-iba na yata ang ihip ng hangin, este tono nito, at magkano?

Ang batas ang ipatupad, Scrooge at huwag nang subukan pang palitan ang titik ng batas. Sa ngayon pag-isipan mabuti ang DO nang hindi husgahan ng sariling pakinabang. O ito mismo ang magiging laman ng DO, nagtatanong lang po?



Malinaw na walang dapat sisihin sa mga kaganapan sa bansa, subalit ang batas ay batas at dapat ipatupad. Ang hinihiling lamang ng mga obrero sa pagkakataong ito: Ipatupad kung ano ang isinasaad sa mas nakatataas na batas.

Huwag natin baguhin ang titik nito, o kung nais natin, ipanukala ninyo ito sa Kongreso na may mandato na gumawa ng mga kaukulang batas. Sa pagkakataong ito, walang usapin dito ng banggaan ng uri, kaya’t huwag natin gatungan ang sino man sa mayayamang uri dahil talagang dapat ibigay ang 13th month pay sa mga obrerong dapat makatanggap.

At sa iyo Scrooge, huwag mong kalimutan na dapat kang lumagay sa tama. Hindi humihiling ang mga obrero na kumampi ka sa kanila; ang maging patas sa kanila’y ayos na.

Sa isang banda, silipin natin ang mga obrerong binigyan ng anim na buwan na pagliban dahil sa pandemya. Isa itong malaking usapin dahil marami sa mga negosyante ay ibig pang palawigin ang kanilang pagliban, dahil na rin sa kalagayan ng pandemya kahit pa naglabas na ang pamahalaan ni Totoy Kulambo na balik sa new normal ang bansa. Na ang ibig sabihin – balik negosyo na dapat ang mga industriya at maaari nang makabalik-trabaho ang mga obrero.

Subalit para sa mga negosyante, kailangan pang magpalawig ng anim na buwan na pagliban upang makagawa pa sila ng paraan upang muling bumalik ang kanilang negosyo sa dating kaganapan. Dito kailangang mabigyang linaw ang pagbabalik ng mga obrero sa trabaho, kung saan sila’y hindi bagong obrero o kaya’y hindi bago ang kanilang magiging status.

Hindi rin sila dapat balik sa pagiging probationary at walang makakamit na vacation leave, kung saan sila’y maaaring tanggalin muli base sa nakaraang tala ng pagtatrabaho. Mukhang may mahika rito at talagang may gustong makatipid sa pagkakataong ito.

Hindi man natin isipin, mukhang dito lalabas ang interes ng mga mayayamang uri – huwag nating ibigay ito mga kabaro kong obrero.

Sa huli, umaapela ang Batingaw, hindi lamang kay Scrooge Bello, ngunit maging para sa mga negosyante na unawain ninyo ang kalagayan ng mga obrerong nagbigay sa inyo ng magandang buhay. Sa pagkakataong ito, kayo naman ang gumanti ng kabutihan.

Hindi nila ikayayaman ang 13th month pay na ibibigay ninyo – sa halip ipantatawid lamang nila ito para sa kanilang pangangailangan. Ang Pasko sa kanila’y hindi bagong damit o masarap na pagkain sa hapag, subalit isang pangkaraniwang panustos sa kinabukasan.

Ang pusong bukas ay mas malaki ang balik sa kinabukasan. Ang may itinanim, may aanihin.

Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ito, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.

***

dantz_zamora@yahoo.com