Advertisers
PATAY ang dalawang manggagawa at tatlo ang sugatan sa aksidente sa ginagawang tulay, Jadjad Bridge, sa Barangay Tipo, Hermosa, Bataan, Martes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Vivincio Pamisa at Marvin Tajores; habang sugatan sina Joel Pitel, John Ray Salatan at Peter Pahilan, mga trabahador ng isang kilalang construction firm.
Sa ulat, nag-collapse ang pansamantalang suporta sa ginagawang expansion bridge na may habang 18 metro at 180 tonelada ang bigat na aksidenteng dumagan sa mga biktima.
Ayon kay Ssgt Rommel Bejarin, imbestigador ng kaso, may pag-uusap na sa pagitan ng contractor ng proyekto at pamilya ng mga biktima hinggil sa mga gastusin.
Ikinalungkot naman ni SBMA Chairman/Administrator Atty. Wilma Eisma ang sinapit ng mga manggagawa.
Nagkahahalaga ang ginagawang tulay ng P1.6-B bilang Subic Freeport Expressway Capacity Expansion Project na layong mapadali ang daloy ng trapiko sa umuunlad na kalakalan sa Subic na sinimulan taon 2019.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga kapulisan sa nasabing insidente. (Ace Ramales)