Advertisers
NASAWI ang apat na sakay ng ambulansya kabilang ang isang pasyente nang salpukin ng kasalubong na trak sa Quirino highway, Barangay San Vicente, Tagkawayan, Quezon nitong Miyerkules ng umaga.
Tatlo ring pasahero ng ambulansya kabilang ang isang bata ang malubhang nasugatan.
Kinilala ang mga nasawi na sina Melchor Escandor, driver ng ambulansya, 45; Jocelyn Esadero, pasyente; Zander Regalado; at Aljon Gime, 12.
Sugatan naman sina Nigel Gime, 8; Lanie Escandor; at Rose Ann Espineda.
Magkakapamilya ang mga biktima na taga-Gubat, Sorsogon.
Sa report, galing sa lalawigan ng Sorsogon ang Nissan Urvan ambulance na magdadala ng pasyente sa Maynila.Tinatahak nito ang tuwid na highway nang bigla itong salubungin ng Isuzu Giga ten wheeler wing van na patungo sa Bicol 9:00 ng umaga.
Sa lakas ng pagkabanga, nakaladkad ang ambulansya at sumalpok ang truck sa isa pang nakaparadang van.
Nasa kustodiya na ng Tagkawayan Police ang driver ng trak na si Gerardo Bandales, 39, taga- Calabanga, Camarines Sur.
Ayon sa report, dahil sa madulas na kalsada dulot ng walang tigil na pag-ulan kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng trak.
Sasampahan si Bandales ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries at damage to properties.