Advertisers
AMINADO si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Mark Villar sa tinuran ni Pangulong Rodrigo Duterte na talamak pa rin ang korupsyon sa DPWH at pangunahin dito ang mga project engineers na kasabwat ang mga tiwaling contractors kung saan walang konstruksyon na uumpisahan kung walang transaksyon o lagayan.
Ayon kay Sec. Villar, itinuturing nilang hamon ang pahayag na ito ni Pangulong Duterte para magpatupad ng reporma sa kagawaran.
Sinabi ni Sec. Villar, may nagawa na rin sila gaya ng monitoring systems kung saan lahat ng mga proyekto ay may geo-taggings para malaman ang kondisyon ng konstruksyon.
Sa katunayan, halos 30 contractors na umano ang blacklisted sa DPWH at lalo pa silang maghihigpit sa monitoring para malinis ang kanilang hanay sa korupsyon.
Kumpiyansa naman si Sec. Villar na makakalusot sa Senado ang kanilang 2021 budget sa kabila ng mga kwestiyon rito ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Sinabi pa ni Villar na nasagot naman nila nitong Miyerkules, Oktubre 14, ang lahat ng katanungan ni Sen. Lacson sa isinagawang budget hearing ng Senado at handa rin silang ipaliwanag o linawin ang lahat ng tanong ng mga mambabatas.