Advertisers
Imbes na taimtim na seremonya, isang tensyonadong eksena ang nangyari sa libing ni baby River, ang anak ng aktibista at political prisoner na si Reina Mae Nasino na isinagawa sa Manila North Cemetery nitong Biyenes.
Sa ulat, maraming pulis ang nakapalibot sa kabaong ni Baby River.
Maaalalang sinabi ng pamilya Nasino at kanilang mga abogado na gusto nilang maging “pribado” sana ang paghimlay kay River, taliwas sa anila’y “overkill” at mala-batalyong bilang ng awtoridad na nagbantay sa lamay noong Miyerkoles.
Ayon sa grupong Karapatan, na may kinatawan na kasama sa libing, nagmakaawa ang ina ni Nasino para tanggalin ang posas nito sa gitna ng libing pero hindi ito pinagbigyan.
Sa report, nahirapan si Nasino sa pagpunas ng kaniyang luha dahil bukod sa posas, nakasuot pa ito ng full PPE.
Sa huli, umawit ang mga nakikipaglibing ng “Bayan Ko.”
Maaalalang imbes na 3 sunod-sunod na araw ang furlough o pansamantalang paglabas sa kulungan ni Nasino, iniksian ito ng korte sa 6 na oras sa 2 araw dahil sa hiling ng Manila City Jail.
Nobyembre 2019 nang mahuli si Nasino sa Tondo, Maynila, bahagi ng umano’y crackdown sa mga makakaliwa. Kinasuhan siya ng illegal possession of firearms and explosives.
Hanggang ngayon, iginigiit ni Nasino na inosente siya.(Jocelyn Domenden)