Advertisers
Papayagan nang bumiyahe ang app-based na motorcycle taxis sa mga lansangan na sa ngayo’y nasa test run pa lang.
Ito ang inihayag ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sa Meet the Press Report to the Nation Online Media Forum ng National Press Club nitong Biyernes.
Sinabi ni Inton na pinayagan na rin ng Malakanyang na mag-operate ang mga ito makaraan ang isinagawang test run ng mga ito at wala namang coronavirus disease 2019 transmission na naganap.
Nauna rito, inirekomenda na rin ng Joint Task Force COVID Shield at ng House committee on transportation ang pagbabalik ng motorcycle taxis sa Metro Manila.
Ito’y makaraang igiit ng Department of Transportation na kailangan ng resolusyon mula sa Kongreso na magsisilbing ligal na basehan para maipagpatuloy ang pilot run ng motorcycle taxis.
Ayon kay Inton, welcome sa kanila ang operasyon ng motorcycle taxis dahil madaragdagan ang option ng mga pasahero.
Kasabay nito, inihayag ni Inton na bukas na bukas na ang public land transport makaraang payagan ang isang metrong social distance o maximum capacity na 50%.
Aniya, one-seat apart na lang ang polisiya ng pamahalaan o kaya’y may harang sa pagitan ng mga pasahero para mas maraming makasakay
Inangalan umano ng marami ang .75 metrong distansya dahil minimum na dapat ang 1 metrong social distancing.
Kapag pinaiksi pa umano, dapat may periodic regular sanitation at iba pang health protocols na ipatutupad.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Inton sa putol-putol na ruta ng mga transportasyon na ipinatupad nang walang pasubali gayundin sa beep card na walang palugit para makapag-adjust ang mga pasahero.
Aniya, pabor sa operator at pasahero ang beep card subalit nang ipatupad ito ‘di na pinasakay ang mga walang beep card.
Dapat umano’y nagkaroon pa rin ng cash lane para sa mga ‘di pa handang bumili ng card na nagkakahalaga ng P100.
“Kaya nga sinabi ng Pangulo na ilibre na lang ‘yan. Eh, ilan ang nilibre, 125,000 lang na ‘di talaga sapat. Sineryoso natin ang announcement subalit ‘di pa pala tayo handa,” ayon kay Inton.
Samantala, sinabi naman ng grupo na hindi person with disability (PWD) – friendly ang EDSA carousel bus stops na ipinanukala ng Metropolitan Manila Development Authority dahil bukod sa nasa kaliwa na ang pinto nito, tatlo lang pala ang meron nito.
Dapat planado umano ang EDSA carousel at hindi ‘yung kung kailan ipinatutupad saka lang inihahanda at nagkakaroon ng pagbabago na pahirap sa mga pasahero.
Lalo pa umanong nalapit sa transmisyon ng COVID-19 ang mga pasahero sa ipinatupad nilang ito na base sa “trial and error.”
Sayang umano ang mga ginastos para rito, lalo na sa mga barrier na inilagay sa EDSA.
Tinutulan din ni Inton ang pagpapalit ng pangalan ng Del Monte Ave. sa Fernando Poe Avenue.
Aniya, historical avenue ito na panahon pa ni Lakandula kaya’t tutol sila na palitan ito.