Advertisers
May kakaibang alok ngayon ang lungsod ng Marikina para sa kanilang mga residente na may kaugnayan sa panghuhuli ng daga.
Ang ‘rats for cash program’ na ito ay humihikayat sa mga taga-Marikina na humuli ng daga sa kanilang nasasakupan at ibigay ito sa city government. Bawat daga na mahuhuli ng mga residente may kapalit na pera.
Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, matagal na raw nilang problema ang dumadaming kaso ng leptospirosis sa kanilang lugar ngunit kahit papaano, nakakakita naman sila na unti-unting nababawasan ang bilang ng mga daga.
Posible raw kasi na mas naging maingat ang mga residente ng nasabing lungsod upang hindi sila tamaan ng leptospirosis.
Batay sa datos ng Department of Health Epidemiology Bureau, nakapagtala na ng halos 600 kaso ng lepospirosis sa bansa simula noong Enero hanggang Agosto ng kasalukuyang taon. Halos 60 katao naman ang namatay dahil dito.
Sa kabila naman ng coronavirus pandemic, patuloy ang paalala ng DOH na dapat pa ring mag-ingat ang publiko sa sintomas ng leptospirosis lalo na’t tag-ulan na naman.(Gaynor Bonilla)