Advertisers
Halos siyam na buwan na ang pandaigdigang pandemiya at sa tantiya ko ang pagsusuot ng face mask ay patuloy na nating gagawin kahit may bakuna nang madiskubre upang labanan ang virus na nakamamatay na COVID-19.
Kasi naman sa tinagal-tagal natin sa ilalim ng iba’t ibang level ng quarantine, face mask pa rin ang mabisang panlaban para di tayo mahawaan o makahawa sa ating kapwa. Ito ay pinatunayan na rin ng ating mga eksperto bilang pinakamabisang proteksiyon at panlaban sa virus.
Siyempre mas maganda pa rin na may madiskubreng bakunang panlaban sa COVID-19. Ngunit habang wala pa, mainam na huwag nating kalimutan ang mga pag-iingat na ipinatutupad ng ating pamahalaan. Unang-una na diyan ang pagsusuot ng face mask kung tayo ay lalalabas ng bahay. Dagdag mo na rin ang face shield at social distancing para makatiyak na tayo ay hindi mahahawaan o makakahawa.
At kahit may bakuna na, ang kumbinasyon nito kasama ang pagsusuot ng face mask at pagsunod sa mga pinag-uutos na mga pag-iingat, ang maghahatid sa atin sa gusto nating marating, ang makakilos ng walang pangamba at agam-agam pagdating ng susunod na taon ang 2021.
Di natin dapat ihinto ang mga pag-iingat, kasi ang pagtupad sa mga ito ay paraan natin para malaman gaano kalala ang hawaan sa ating mga komunidad. Dahil kung mababa na ang bilang ng mga nagkaka-COVID-19 sa mga komunidad, at may bakuna na ring nadiskubre, maaari na tayong makihalubilo, may suot mang face mask o wala.
Pero napatunayan na ng mga dalubhasa, na ang pagsusuot ng face mask gaya sa ibang bansa ay malaking bagay pa rin, dahil napipigil nito ang pagkalat ng COVID-19. Sa mga kapitbahay nga nating mga bansa gaya ng Vietnam, Thailand, Singapore at Hong Kong kitang-kita ang epekto ng pagsusuot ng face mask.
Patunay ito na ang pagsusuot ng face mask ay mahalaga sa pagko-kontrol ng paglaganap ng virus. Kaya naman maging ang ating pamahalaan ay nagsagawa na ng programa para gumawa ng sarili nating mga face mask at ipamahagi ito ng libre para di na gaanong mabigatan pa ang ating mga kababayan sa kanilang mga bilihin.
Di rin naman kasi tayo makakasiguro sa madidiskubreng mga bakuna na ito ay 100 percent na epektibong panlaban sa COVID-19. Maaaring sa sampung mabakunahan, tatlo o apat na katao ay pwede pa ring makapitan ng virus. At di naman agad mababakunahan pa ang iba nating mga kababayan, dahil sa dami ng dapat mabakunahan. So ang pagsusuot pa rin ng face mask ang pinakamabisang pag-iingat na gagawin.
Reusable o disposable pa yan, di natin dapat kalimutan ang pagsusuot ng face mask, may bakuna man o hangga’t wala pa. Iba pa rin ang nag-iingat.