IBINASURA ng korte sa Dumaguete ang mga kaso na may kinalaman sa iligal na droga laban sa limang suspek nang makita sa CCTV footage na nagsinungaling ang mga ahente ng PDEA sa umano’y drug buy-bust operation.
Kinilala ang limang ahente ng PDEA na sina Nelson Muchuelas, May Ann Carmelo, Jose Anthony Juanites, Cheryl Mae Villaver at Realyn Pinpin.
Sa report, sinabi ng mga ahente ng PDEA na isang nagngangalang Richard Torres at apat iba pa ang naaresto sa bahay ni Torres noong June 28, 2020 nang ikasa ang isang buy-bust operation.
Sinabi ng poseur-buyer at confidential informant na ang tatlong akusado na sina Gabriel Aranas, Gwendell Ozoa at Katrina Tish Dabao ay nagsasagawa ng pot session, habang si Torres at umano’y kanyang supplier na si Shinette Sarabia ay nagbenta ng isang maliit na plastic sachet ng shabu sa poseur-buyer.
Pero nagpakita ang mga akusado ng CCTV footages mula sa mga camera na ino-operate ng city government kungsaan makikita si Torres, Dabao, Ozoa at Aranas na binitbit ng PDEA agents isa-isa malapit sa isang traveller’s lodge at puwersang pinapasok sa loob ng isang kulay blue na AUV.
Ginamit din ng mga ahente ng PDEA ang kaparehong AUV na nakarehistro sa ahensya sa pag-pick up kay Sarabia sa harap ng isang restaurant. Tapos dinala ang mga ito sa bahay ni Torres kungsaan sila inaresto.
Nakita sa CCTV footage ang limang lugar na pinanggalingan ng blue na AUV na kumpleto sa timestamp, na nagkumbinse sa korte na ang mga akusado sa mga kaso na ito ay inaresto mula sa iba’t ibang lugar taliwas sa idineklara ng PDEA agents na nasa bahay lang ni Torres.
Nahaharap sa ‘indirect contempt’ charges, possible probe on criminal, administrative liability ang limang ahente ng PDEA, isang opisyal ng barangay at kinatawan ng media dahil sa pagsisinungaling sa kanilang affidavit para iligaw ang korte.