Advertisers
HINDI nagdalawang isip ang isang guwardiya sa isang mall sa Legazpi City na ipaalam sa management ang napulot na pouch na naglalaman ng malaking halaga ng pera.
Ayon kay Lilibeth Reñes, napulot niya nitong Lunes ang naturang pouch sa upuan sa food court pero hindi siya nagka-interes na buksan ito.
Dinala ni Reñes ang pouch sa management ng mall hanggang sa naibalik sa may-ari.
Labis ang pasasalamat ng may-ari ng pouch kay Reñes. Tumangging magpakilala ang may-ari ng pouch na taga-Camarines Sur.
Ayon sa may-ari, napansin niyang nawawala ang kanyang pouch nang makalabas na siya ng mall kaya bumalik siya at nagbakasakaling mahanap niya ang pouch.
Aabot sa P146,000 halaga na pera ang laman ng pouch.
Dalawa ang pinag-aaral na anak ni Reñes, na tricycle driver ang asawa.
Pero sa kabila ng hirap ng buhay, hindi raw ito dahilan para gumawa ng masama.(James de Jesus)