Advertisers
IBINUNYAG ng kauna-unahang whistleblower na si Immigration Officer Allison Chiong na ang iba sa kanilang nakukuhang pera mula sa kontrobersiyal na “pastillas” scam ay itinatabi upang gamitin sa pangangampanya ni dating Port Operations Division chief Marc Red Mariñas bilang alkalde ng Muntinlupa.
Nakuha umano ni Chiong ang naturang impormasyon mula sa matataas na operator ng naturang scam dahil sa pag-follow-up ng mga ito sa late payouts.
Pinabulaanan naman ito ni Mariñas na humarap din sa nasabing pagdinig ng Senado.
Katwiran ni Mariñas na hindi totoong mayroong pyramid ng “pastillas” scheme at iginiit din nito na hindi siya ang mastermind ng tiwaling gawain.
Partikular na pinangalanan ni Chiong sina TCEU terminal heads Glennford Comia, Denden Binsol at Benlado Guevarra na kabilang din sa “pastillas group.”
Ayon kay Chiong, kaya raw sikat na sikat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pangalan ni Mariñas ay dahil pinapalutang daw nito na tatakbo siya bilang Mayor ng Muntinlupa at ang perang gagamitin nito ay mula sa kanilang mga nalikom na pera ng mga Chinese nationals. (Josephine Patricio)