Advertisers
PAPALO sa halos P40 billion ang naibulsa ng mga taong nasa likod ng kontrobersiyal na “pastillas” scheme sa Bureau of Immigration (BI) at pag-abuso sa Visa Upon Arrival (VUA) system simula noong 2017.
Pahayag ni Sen. Risa Hontiveros, tinatayang limpak-limpak na salapi ang nakurakot ng mga opisyal ng BI base sa arrival data ng non-VUA Chinese nationals sa bansa.
Kwestiyonable aniya ang karamihan sa VUA transactions, kung saan ang bayad na nakabalot sa papel upang magmukhang local delicacy ng bansa ay dumidirekta sa main office na siya namang nag-aaprove sa mga visa.
Makaraang ma-cite in contempt noong huling pagdinig na ginawa noong Oktubre 6, humarap na sa Senado sina dating BI officials Maynardo Mariñas at anak nitong si Marc.
Binigyan sila ng pagkakataon upang linawin ang kanilang naging papel sa naturang ahensya at sa tiwaling gawain.
Itinalaga ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre bilang pinuno ng magkaibang division ang mag-ama noong Hulyo 2016.
Taong 2017 naman nang ilabas ni Aguirre ang Department Order No. 41 na nagbibigay pahintulot sa mga Chinese nationals na pumunta ng bansa kahit wala pa silang visa mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Una nang nabanggit sa mga nagdaang pagdinig na ang VUA ay pinoproseso ng mga travel agencies. Karamihan sa mga ito ay kailangan lamang magpadala ng litrato ng passport ng aplikante at i-send ito sa pamamagitan ng isang messaging application.