Advertisers

Advertisers

Retirement visa sa mga dayuhan suspendido

Dahil sa pekeng edad ng Chinese

0 310

Advertisers

IPINAHINTO ng board ng Philippine Retirement Authority (PRA) ang pagbibigay nito ng retirement visa para sa mga foreign nationals.
Ito ay matapos suspindehin na rin muna ang pagbibigay ng special retirees residence visa (SRRV) sa mga dayuhan kasabay ng ginagawang pag-aaral ng PRA sa patakaran kung anong edad at visa deposit requirements ang kanilang tatanggapin sa mga dayuhang retirees.
Una nang nagpahayag ng pagka-alarma ang ilang senador dahil sa pagpasok ng mga Chinese retiree na nasa edad 35-anyos lamang.
Sa isinagawang pagdinig ng Senado para sa proposed 2021 national budget ng Department of Tourism (DOT), isiniwalat ng ilang senador ang patakaran ng PRA sa pagtanggap ng mga dayuhang may edad 35-anyos pataas.
Nabatid na mahigit 70,000 anila ang kabuuang bilang ng mga dayuhang retirees sa Pilipinas at halos 30,000 o 40 percent sa mga ito ang nagmula sa China.
Ayon kay PRA General Manager Bienvenido Chy, nakatanggap na raw sila ng datos na nagsasabing hindi nakikipag-sabwatan sa kung anomang iligal na gawain ang mga foreign retirees.
Bahagyang alanganin naman ang posisyon sa naturang paksa ni Sen. Richard Gordon. Aniya ang edad 35 ay pasok pa sa soldier’s age, lalo na at mainit ang girian sa pagitan ng China at Pilipinas sa South China Sea.
Pahayag pa ng senador, kung pagbabasehan daw ang kasaysayan ay karamihan sa mga Japanese ang nagpanggap bilang construction workers. Dapat aniya ay busisiing mabuti ito. Hindi lamang daw national interest ang dapat ikonsidera ng ahensya ngunit pati na rin ang seguridad ng bansa.
Giit naman ni Chy na ipinagpapatuloy lamang niya ang programa na nasimulan na ng mga opisyal na nauna sa kaniya.
Taong 1993 nang ibaba sa 35-anyos mula sa dating 50-anyos ang minimum age ng mga dayuhang retirees.
Tiniyak naman ng tourism department na aayusin nito ang pag-monitor sa mga profile at aktibidad ng mga dayuhang retirees na pumapasok sa bansa.