Advertisers
BINANATAN ni Bise Presidente Leni Robredo ang administrasyon dahil sa paglobo ng bilang sa bansa ng mga Chinese retirees kung saan malaking banta ang mga ito sa seguridad ng bansa.
Binanggit ni Robredo ang report na lumabas sa isang Senate hearing kung saan may 27,678 Chinese retirees ang nandito sa Pilipinas.
“Nakaka-shock talaga na 35 years old na nating mag-retire dito sa Pilipinas. Iyong report, Ka Ely, doon sa Senate hearing ng Department of Tourism (DOT) noong Lunes, October 19, mayroong Chinese retirees na nandito sa Pilipinas—27,678,” ani VP Leni sa kanyang weekly radio program.
Ayon pa kay Robredo, bukod sa national security, malaking banta rin daw ang aniya’y kwestyonableng edad ng retirement ng mga Chinese sa sektor ng paggawa.
Mariing kinondena rin ni Robredo ang nagkalat na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) na nagbibigay ng trabaho sa mga Chinese.
Pinuntirya rin ni Robredo ang tila maluwag na panuntunan ng Philippine Retirement Authority (PRA), na pumapayag lang na papasukin ng bansa bilang retirees ang mga 35-year old Chinese.
Base sa datos ni Senate Committee on Labor chairman Joel Villanueva, nasa 6,678 ang bilang ng illegal workers na naharang ng Department of Labor and Employment.
“Dapat nasilip na ito sa umpisa pa lang. Eh ano na, four years na, four years na iyong administrasyon. Bakit pinapayagan—parang pinalampas na ganito?” ani Robredo.
Naiintindihan naman daw ng bise presidente ang pangangailangan ng ekonomiya ng bansa mula sa ibang estado, pero sana ay hindi naman din maging maluwag ang pamahalaan sa pagpapapasok ng mga dayuhan. (Josephine Patricio)