Advertisers

Advertisers

VP Leni sa drug data ni Duterte: ‘Huwag ipilit ang numero na hindi naka-base sa survey

0 221

Advertisers

PINUNTIRYA ni Bise Presidente Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan ukol sa populasyon ng drug users sa bansa.
Inihayag kasi ng Pangulo sa isang televised press briefing, na aabot sa 167-million ang bilang ng gumagamit ng iligal na droga sa Pilipinas. Ito ay sa kabila ng 109-million lang na populasyon ng bansa sa pagtatapos ng 2019.
“Noong narinig ko iyon kasi nanonood ako, alam ko na kaagad na mali. Kasi 109 [million] lang iyong population natin, so imposible na 167 million iyong drug users,” ani VP Leni.
Saad pa ni Robredo, dapat maging sensitibo sa datos ang mga opisyal dahil dito rin nagde-depende ang pamahalaan sa mga ipapatupad na polisiya.
Naalala pa ni Robredo ang kanyang pag-upo bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) noong nakalipas na taon kung saan dalawang linggo lang ang itinagal ni Robredo sa pwesto matapos din sibakin ng Pangulo.
Lumalabas daw sa bagong survey ng Dangerous Drugs Board na tila hindi nalayo sa 1.8-million data noong 2016 ang bilang ng drug users sa bansa ngayon.
Kaya naman ipinagtataka rin ng pangalawang pangulo kung bakit hindi nagbago ang bilang sa kabila ng malaking alokasyon ng pamahalaan sa anti-illegal drug response.
“Eh ang dami-dami na nating ginawa, ang dami-dami na nating ginastos for drugs, so sabi ko nga dati sa ICAD, dapat bumaba na iyong 1.8 [million].”
“So sa akin, hindi makakabuti na ini-insist natin iyong numero na hindi siya nakabase sa survey, kasi iyong mga polisiya ng bansa, nakabase dapat sa datos. So paglabas noong—pagsabi pa lang ni Pangulo na 167 million, alam ko na na 1.67 [million] iyon, kasi malapit nga siya, malapit siya doon sa 2016 numbers.”
Una nang nilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque na nagkaroon lang ng pagkakamali sa presentasyon ng datos sa pangulo. (Josephine Patricio)