Advertisers

Advertisers

Bong Go: DDR, mapabibilis ang pagbangon ng bansa mula sa krisis, kalamidad

0 437

Advertisers

MULING iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat nang likhain ang Department of Disaster Resilience sa pagsasabing bagaman may mga mekanismo nang nakahanda, kinakailangan pa ring mapalakas at matiyak na ang pamahalaan ay mabilis na makareresponde sa krisis at kalamidad dulot na rin ng nagbabagong panahon.

“Isang aspeto na dapat natin mas maisaayos pa ay ang inter-agency coordination. Ito ang dahilan kung bakit matagal ko nang inirerekomenda at paulit-ulit ko nang sinasabi na dapat magkaroon ng isang departamento na may secretary-level na in-charge para mayroong timon na tagapamahala ng preparedness, response, and resilience measures pagdating sa ganitong mga krisis at sakuna,” ayon kay Go.

Sinabi ni Go na ang nasabing panukala ay magbibigay rin ng malinaw na chain of command at mas mabilis na pagtugon sa paghawak ng sitwasyon o krisis sa bansa kung saan ang kalamidad at tila normal nang nangyayari.



“Huwag na natin antayin pa na magkaroon ng panibagong kalamidad. Dapat may isang departamento kung saan secretary level ang mamamahala sa disaster resilience upang maprotektahan ang kabuhayan at kapakanan ng ating mga kababayan,” Ani Go.

Idinagdag niya na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, isang coordinating body, ay lalo pang maisasaayos mula sa kasalukuyan nitong porma.

“Dapat mayroong cabinet level na mamamahala at may regional offices… may isang ahensya po na nakatutok talaga para gawing mas maayos, mabilis at maasahan ang serbisyo na maibibigay ng gobyerno sa panahon ng krisis at sakuna,” ayon sa senador.

“Ang cabinet-level agency na ito na ang lalapitan natin. Sila ang kakausapin ng Pangulo at sila ang gagabay sa local officials at iba pang ahensya. Bago pa man dumating ang kalamidad, maghahanda na sila. Hindi na po malilito ang ating mga kababayan kung kanino at saan sila hihingi ng tulong at impormasyon,” idinagdag niya.

Kaya naman nais ni Go na maipasa ang panukala niyang Senate Bill No. 205 na layong lumikha ng Department of Disaster Resilience na siyang tatayong pangunahing responsable o titiyak sa local communities na maging handa sa epekto ng climate change.



Ipinunto niya ang mga ahensiyang gaya ng Office of Civil Defense; Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration; at Philippine Institute of Volcanology ay nasa ilalim ng iba’t ibang departamento.

Nang hingan ng komento sa sinasabi ng ilan niyang kapwa mambabatas na hindi na kailangan ang DDR, sinabi ni Go na inirerespeto niya ang opinyon ng kanyang mga kasama

“Nirerespeto ko ang mga opinyon ng ilang mga kasamahan kong mambabatas hinggil sa panukalang Department of Disaster Resilience. Ako naman ay palaging bukas at handang makinig sa mga suhestyon ng mga kasamahan ko upang mas lalong mapabuti ang mga panukalang ipinaglalaban natin,” ang tugon niya.

Gayunman anang senador, may anim na kahalintulad na panukalang nakabimbin sa Senado na sumusuporta sa paglikha ng DDR.

Sa House of Representatives ay may naipasa nang bersyon nito noong September 21.

Mariin namang sinusuportahan ni Pangulong Duterte ang inihain niyang batas na ito.

“Para sa akin naman, kailangan nating intindihin na parte na ng buhay natin ang mga kalamidad at sakuna. Huwag na natin pang intayin na may dumating pang mas malalang krisis bago tayo umaksyon,” idiniin ni Go.

“Kung gaano kabilis at kadalas ang pagdating ng krisis sa ating bansa, dapat lamang na maging mas mabilis, mas maayos, at mas maaasahan ang serbisyo natin upang maprotektahan ang kapakanan at buhay ng bawat Pilipino,” giit pa niya. (PFT Team)