Advertisers
BINABALAK umano ni Budget Sec. Wendel Avisado na ihirit ang karagdagang pondo sa Kongreso para matugunan ang pangangailangan ng pamahalaan sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Rolly.
Sa situation briefing, iniulat ni Avisado kay Pangulong Rodrigo Duterte na mayroon na lamang natitirang P3.6 billion sa National Disaster Risk Reduction Management Fund (NDRRMF).
Duda si Avisado, na hihingi ng dagdag na pondo ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para tugunan ang gastusin sa rehabilitation ng mga napinsala ng magkakasunod na kalamidad.
Inihayag ni Avisado na kabilang sa inaasahang hihingi ng dagdag na pondo ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA) at National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Nilinaw naman ni Avisado na kinakailangan ding punan ang mga quick response fund ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para may magamit sa mga susunod pang kalamidad na posibleng manalasa pa sa bansa bago matapos ang taon. (Josephine Patricio)