Advertisers
Suportado ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica ang naging hamon sa liderato ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco na isapubliko ang kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) sa katwirang una ang transparency at accountability sa ipinangako nito sa mga botante nang sila ay nangangampanya.
Sinabi ni Belgica, obligasyon ng mga mambabatas na ipakita ang kanilang tunay na SALN upang malaman kung walang tinatago.
Si Belgica ay una nang nagsiwalat na ilang miyembro ng Kamara na tumanggi pa nitong pangalanan, ang sangkot sa korupsyon sa pagitan ng mga DPWH officials, aniya, nagiging substandard o hindi nakukumpleto ang mga DPWH projects dahil 50% ng pondo ay napupunta sa corrupt activities.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PACC ay 10 hanggang 15% ang cut sa infrastructure projects ng mga kongresista habang may share din sa pondo ang mga District Engineers at Contractors.
Aminado si Belgica na may mga ebidensya nang hawak ang PACC at kanilang tutukuyin ang mga sangkot na kongresista sa oras na maisumite nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang report.
Ang paglalabas ng SALN ay isa sa pinakamalaking hamon sa mga elected at government official, bagama’t obligado ang mga nasa gobyerno na magsumite kada taon ng SALN ay hindi naman nailalabas ito, sa Kamara halimbawa, ang record ng SALN ay guwardiyado ng CCTV.
Sa Kamara ay una nang boluntaryong naglabas ng SALN ang Makabayan Bloc bilang inisyatibo nito sa naging kautusan ni Pangulong Duterte sa Department of Justice (DoJ) na imbestigahan ang mga tiwali sa gobyerno, kaya naman ang hamon ni ACT Teachers Partlist Rep France Castro, sa ngalan ng transparency, ay ilabas din ng mga kapwa nya mambabatas ang kanilang SALN.