Advertisers
IPINAGTANGGOL ni Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa mga puna kung bakit nag-alis ito ng face mask habang nakikipag-usap sa ilang opisyal at residente sa kanyang pagdalaw sa mga nasalanta ng bagyong Rolly sa ilang bahagi ng Bicol.
Ipinaliwanag ni Go na nahihirapang marinig ng pangulo ang mga sinasabi sa kanya ng mga residente kaya siya nag-alis saglit ng mask pero agad din naman itong ibinalik.
Sinabi ni Go na nahihirapan din magsalita ang pangulo kaya napilitan itong magtanggal para marinig din ng mga residente ang kanyang sinasabi kasabay ng pagtiyak na hindi masyadong malapit ang pangulo sa pakikipag-usap.
Giit pa ni Go na tiniyak naman nilang nasunod ang iba pang health at safety protocols para makaiwas sa COVID-19.
Binigyang-diin ni Go na sa halip na punahin at batikusin ang pagkilos ng pangulo ay mas mabuting tumulong na lamang sa mga kababayang nasalanta ng bagyong Rolly at iba pang kalamidad. (Mylene Alfonso)