Advertisers
HINIKAYAT ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng real property owners sa lungsod na samantalahin ang pagbabayad ng advance ng kanilang buwis upang mabigyan ng 20 porsyentong diskwento.
Inanunsyo ni Moreno sa halip na sa first quarter ng susunod na taon, ang advanced payments para sa buong taon ay maaari ng gawin o bayaran hanggang December 10, 2020, upang makuha ang pinakamalaking diskwento na 20 porsyento.Matatandaan na ang ganitong diskwento ay ibinibigay tuwing first quarter ng kada taon.
Ayon sa alkalde, ito ay naaayon sa Ordinance 8672 na pinasa ng Manila City Council sa pangunguna ni Presiding Officer Honey Lacuna, na nag-aamyenda sa ilang probisyon sa city ordinance No. 8331, na kilala rin bilang “2013 Omnibus Revenue Code of the City of Manila” na ipinatupad o nagkabisa noong 2014.
Ipinaliwanag ni city treasurer Jasmin Talegon na ang advance payments na tinatawag ay yaong ginawang pagbabayad isang taon bago ang due date habang ang prompt payments na ay pagbabayad bago ang due date.
Ayon pa kay Talegon, ang bagong schedule ng mga diskwento ay base sa bagong ordinansa na kinabibilangan ng staggered payments o utay-utay na pagbabayad sa mga delingkwenteng accounts. Sakop nito ang real properties na kinabibilangan ng land, building, machinery at iba pang improvements.
Ayon naman kay Council majority floorleader Joel Chua, ang ordinance na ipinasa sa session na pinangunahan ni president pro tempore Jong Isip ay nagsasaad na real property tax na binayaran ng buo bago mag December 10, 2020 ay nagbibigay sa taxpayer ng 20 percent discount sa aktwal na taxes na babayaran
Pero kung ang annual realty taxes ay binayaran naman ng buo mula sa petsang December 11 – 29, 2020, ang tax discount ay 15 percent lamang at kung ito naman ay binayaran din ng buo mula sa petsang January 1 hanggang 31 ng susunod na taon ang diskwento ay 10 percent lamang. Ang mga prompt payments ay pinagkakalooban din ng ten percent na diskwento.
Binigyang diin ni Chua na ang mga nasabing diskwento ay ibinibigay lamang sa mga properties na walang mga pagkakautang. Sa oras naman na pumatak ang deadline sa non-working day, ang tax payment ay kailangang gawin sa susunod na regular working day upang makuha ang discount.
Para naman sa assessment, sinabi ni Chua na ang depreciation allowance ay maaring maibigay sa building o improvement sa annual rate na mula one hanggang two percent ng kasalukuyang current at fair market value, na puwedeng ibigay kada limang taon matapos ang application sa Office of the City Assessor sa ilalim ni Marlon Lacson. Ang residual value ng gusali ay hindi dapat bababa sa 50 percent sa original appraisal.
Sa kaso ng machinery, ang depreciation allowance ay maaring makuha sa rate na mula two hanggang five percent ng original cost o ng replacement o reproduction cost, at ito ay maaaring maibigay kada tatlong taon gamit at matapos ang application sa Office of the City Assessor. Ito ay kung ang remaining value sa lahat ng uri ng makinarya ay nakapako sa 25 percent ng original, replacement, o reproduction cost o hanggat nagagamit ang makina at nag-o-operate.
Si Lacson ay binigyang kapangyarihan na maglabas ng kaukulang panuntunan para sa epektibong pagpapatupad ng nasabing probisyon. (ANDI GARCIA)