Advertisers
Pinuri at suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbubukas ng Pulis-Makatao one-stop shop initiative sa Philippine National Police national headquarters sa Camp Crame, Quezon City.
Ang inisyatibang ito ng PNP ay kinopya sa konseptong Malasakit Center na ang layo’y mapadali o mapabilis ang iba’t ibang serbisyo para sa mga tauhan at kapamilya ng mga miyembro ng pulisya.
“Alam ko na marami sa ating mga pulis ang nais magkaroon ng malusog at mabuting buhay para sa kanilang mga pamilya. You and your families deserve better,” ani Go sa kanyang video message.
“Kaya po hinahangaan ko at sinusuportahan ang inisyatibo ninyo, ng PNP, na i-adopt ang sistema na kasalukuyan nating ginagamit sa Malasakit Center,” ayon sa senador.
Sinabi ni Go na bukod sa Malasakit Centers sa mga pampublikong ospital na tumutugon sa mga pangangailangang pangkalusugan, maganda ang naisip ng PNP na gumawa rin ng one-stop shop kung saan mas madaling makakakuha ng assistance para sa edukasyon, housing, livelihood, employment, at iba pang serbisyo para sa kanila at sa kanilang pamilya.
Ang Malasakit Centers sa mga pampublikong ospital ay inisyatiba ni Go bago pa siya naging senador at ngayo’y isa na itong ganap na batas.
“Dahil sa inyong sariling bersyon ng Malasakit Center, pwede kayong makakuha ng mga ayuda mula sa PNP Medical Services, Retirement Benefits Assistance Program, Housing Assistance Program, Financial Education Program, Livelihood Training Program for Spouses, at marami pa pong iba,” ani Go kaya pinuri niya ang inisyatibang ito ng PNP.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Go na si Pangulong Rodrigo Duterte at ang administrasyon ay patuloy na pinahahalagahan ang kapakanan ng police force bilang pagkilala sa kanilang krusyal na papel sa kampanya laban sa droga, kriminalidad at korapsyon. (PFT Team)