Advertisers
KUNG may isang bagay na marapat mabahala ang gobyerno ni Rodrigo Duterte sa gobyerno ng susunod na pangulo ng Estados Unidos na si Joe Biden, ito ay ang usapin ng karapatang pantao. Hindi siya bibiruin ng administrasyon ni Biden. Kung nabola niya si Donald Trump, hindi mangyayari iyan kay Biden.
Malinaw kay Biden at Democratic Party ang karapatang pantao. Maliwanag at matingkad sa kanila na lumalabag sa karapatang pantao si Duterte. Dito nakasalalay ang foreign policy ng gobyernong Biden sa Filipinas. Huwag magtaka sa sandaling magsalita ang bagong gobyerno tungkol sa usapin ng karapatang pantao sa Filipinas.
Huwag magtaka kung pagtuunan ng pansin ng gobyerno ni Biden ang pagpapalaya kay Leila de Lima, ang senadora na ikinulong ni Duterte dahil sa pagtutol sa malawakang paglabag sa karapatang pantao. Hindi pumayag si de Lima sa walang habas ng pagpatay, o extrajudicial killings (EJKs), na ilalim na madugo ngunit bigong giyera kontra droga.
Bilang tugon sa pagtanggi ng gobyernong Duterte sa pagpapalaya kay de Lima, ipinagbawal ng Washington ang pagpasok sa Estados Unidos ng mga opisyales na kasangkot sa pagpapakulong kay de Lima. Isiningit sa batas sa pambansang budget ng Estados Unidos ang probisyon na hindi papasukin sa kanilang bansa ang mga kasangkot sa pagpapakulong sa senadora na ipiniit batay sa asunto na puno ng mga gawa-gawang ebidensiya.
Bilang ganti, ipinagbawal ni Duterte noong Enero ang pagpapasok sa Filipinas sa dalawang Amerikanong senador – Dick Durbin ng Illinois at Patrick Leahy ng Vermont – na nagtulak sa Kongreso ng Estados Unidos na ipataw ang Magnitsky Act ng pagbabawal sa pagpasok sa Estados Unidos sa mga may kinalaman sa pagkakapiit ni de Lima. Parehong Democrat ang dalawang mambabatas.
Noong ina-9 ng Enero, ipinasa ng Senado ng Estados Unidos ang isang resolusyon na humiling kay Donald Trump na gumawa ng ganting hakbang sa patuloy na pagkakabilanggo kay de Lima. Hindi kumilos si Trump bagaman nagsama ang mga Democrat at Republican sa pagpasa ng resolusyon. Hindi malayo na pakinggan ni Biden ang kahilingan.
Kinondena ng magkahalong grupo ng Democrat at Republican sa isang resolusyon sa Kamara de Representante ng Estados Unidos ang pagkakabilanggo kay de Lima. Hindi makatarungan ang patuloy na pamamalagi ni de Lima sa piitan. Kinilala nila na responsible si Duterte sa kanyang pagkakabilibid. Huwag magtaka kung ipilit ni Biden ang pagpapalaya sa kanila.
Hindi lang si Biden ang magpipilit sa kanyang pagpapalaya. Isang masugid na tagapagtaguyod ng usapin ng karapatang pantao si Kamala Harris, ang running mate ni Biden. Senadora si Harris at hindi siya bago sa resolusyon ng Senado na kumondena kay Duterte at humiling ng pagpapalaya sa kay kay de Lima. May mga naunang pahayag si Harris na marubdob niyang itataguyod sa pandaigdigang pamayananan (international community) ang karapatang pantao.
Kaya huwag magtaka kung sakaling kumilos ang asunto kontra Duterte at mga personalidad tulad ni Jose Calida, Richard Gordon, Bato dela Rosa, Bong Go sa International Criminal Court (ICC) kung saan hinahabol sila ng salang crime against humanity dahil sa mga EJKs.
Sa maikli, mag-iiba ang ihip ng hangin sa pagpapalit ng gobyerno sa Estados Unidos. Hindi kaibigan ni Duterte si Biden at ang mga Democrat. Kinasusuklaman siya dahil sa patuloy niyang pagwawalang bahala sa usapin ng karapatang pantao.
Huwag magtaka kung lumambot ang mga mambabatas na Filipino sa isyu ng pagkakakulong ni de Lima dahil alam nila na marami sa kanila ang tatamaan. Huwag magtaka kung kunin at ilitin ng gobyerno ng Estados Unidos ang kanilang ari-arian at depositing salapi sa mga bangko doon. Hindi sila bibiruin ng Washington.
Kinikilala ng buong mundo at bawat sibilisasyon ang karapatang pantao. Kinikilala ng doktrina ng karapatang pantao bilang kaugalian ng bawat lipunan. Nilalayon ng doktrina na pangalagaan ang tao bilang tao at maiwasan ang pang-aabuso. Mahigpit na ipinagbabawal ng doktrina ng karapatang pantao ang pang-aalipin, ang walang habas na pagpatay, torture, at krimen sa digmaan. Ipinagbabawal ang paggamit ng poder at dahas ng estado kontra sa mga mamamayan.
***
‘FLIPS’ – ito ang karaniwang tawag sa mga Filipino sa Estados Unidos, o iyong mga Filipino-American. Sila ang mga Filipino na umalis ng Filipinas at pumunta sa Amerika upang hanapin ang kanilang suwerte. Marami ang pinalad at gumanda ang buhay. Marami ang American citizen. Amerikano na sila. Sa Estados Unidos ang kanilang katapatan bagaman marami pa kanila ang patuloy na nakikibalita ng mga pangyayari sa Filipinas.
Marami sa kanila ang tutol kay Rodrigo Duterte. Alam nila na tila buwang at bangag si Duterte. Batid nila ang kawalan ng direksyon ng gobyernong Duterte. Hindi lingid sa kanilang kaalaman ang malawakang patayan bagaman hindi nasusugpo ang problema sa droga, at ang patuloy na nakawan na umabot sa bilyon-bilyong piso. Sa maikli, batid nila na walang mapapala ang sinilangang bansa sa ilalim ng kasalukuyang pangulo.
Ngunit malaking bilang sa kanila ang naniniwala sa Donald Trump. Marami sa kanila ang mga panatiko kay Trump. Mahirap unawain ang kanilang pagiging kontra kay Duterte ngunit katig naman kay Trump. Hind nagkakaiba ang dalawang lider. Pareho silang sira-ulo. Bastos, walang modo, at walang paggalang sa kapuwa. Pawang sarili lamang ang inaatupag.
Mayroon kaming kakilala. Kahapon nagpadala siya ng private message (PM) na kinokondena si Joe Biden sa pagiging pedophile umano at pagiging pro-China. Wala naman siyang iniharap na ebidensiya. Sa madaling usapan, pawang opinyon lamang ang kanyang ipinahayag. Gusto niya akong maniwala sa haka-haka. Hiniling niya na ipasa ko sa ibang netizen ang kanyang walang batayang kuro-kuro.
Sinabi namin sa kanya na talo si Trump. Sa takbo ng bilangan, hindi makakabangon si Trump. Sapagkat talo si Trump, malinaw na tinanggihan ng mga botanteng Amerikano ang kanyang sinasabi. Hindi pinaniwalaan at isinuka. Sa madaling usapan, ibinasura ang kanyang mga haka-haka at marapat lamang ng ibasura nila ang maituturing na tsismis.
Mukhang nasaktan ang aming kakilala. Sapagkat sinabi namin na istupido ang gumagawa ng mga walang batayang akusasyon, ipinaliwanag niya na hindi siya istupido. Bilang pagbibigay sa kanyang pagtatanggol sa sarili, sinabi na namin na “gawa ng kagaguhan” (act of stupidity) ang kanyang ginawa. Sinabi rin naming na pinaninindigan namin ang aming tinuran. Hindi kami padadala-dala sa mga sabi-sabi, mga haka-haka na walang batayan. Malinaw iyan.
***
QUOTABLE QUOTES: “It’s Biden who has said, “Let’s be patient, let all votes be counted,” while Trump said he has won and that votes are being stolen from him…Well, a pro-Trump panelist at CNN’s election coverage team has just pointed out that the facts are against Trump’s claims that the vote is being stolen from him in Pennsylvania. The panelist noted that more people voted for Trump this year than in 2016 percentagewise, but the number of votes in the area tripled this year, with majority of them giving Biden their vote. So, even his supporters know they can’t deny the facts.” – Eugenio Ramos, retiradong mamamahayag
“When Mitt Romney lost to Barack Obama in 2012, then New Jersey Gov. Chris Christie, a Republican, quipped: ‘He didn’t get enough votes.’ The same thing could be said of Donald Trump. He did not get enough votes to beat Joe Biden.” – PL, netizen