Advertisers

Advertisers

Iisang mekanismo ng DSWD, DTI, DA vs kalamidad, isinulong ni Bong Go

0 198

Advertisers

UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa mga ahensiya ng pamahalaan, partikular sa Department of Social Welfare and Development, Department of Trade and Industry at Department of Agriculture na magsama-samang lumikha ng pinag-isang koordinasyon o mekanismo na magbibigay ng mas mabilis na pagtugon sa kagyat na pangangailangan ng mga Filipino sa panahon ng krisis o kalamidad.

Iginiit ni Go na bukod sa pamamahagi ng mga ayuda, mahalaga rin na ang bawat concerned agencies ay kumikilos bilang iisa para matiyak ang napapanahon, wasto at mabilis na paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga nangangailangan sa panahon ng krisis.

“Kaya nga po tinawag na ‘bayanihan’. Hindi lang tayo dapat nagbibigay ng tulong. Dapat sinisigurado rin natin na ginagawa ito sa paraan na walang nasasayang na effort, pondo o oras,” ang paliwanag ni Go.



“Iisang gobyerno lang tayo kung kaya dapat nagkakaisa ang galaw natin para mas maging mabilis, maayos at maaasahang serbisyo natin sa tao, lalo na sa panahon na nangangailangan sila,” idinagdag niya.

Kaya naman hiniling ng senador sa mga nasabing ahensiya na lumikha ng technical working group na mag-aaral upang ang kasalukuyang proseso ay lalo pang mapalakas at maging episyente.

Ipinunto niya na ang maayos na sistema sa pagbibigay ng impormasyon ay higit na kailangan para sa maayos na koordinasyon.

“Kailangan na masiguro na mabilis ang pagbibigay ng mga ayuda dahil hindi na kalat-kalat ang mga impormasyon, katulad sa nangyari noong unang batch ng Social Amelioration Program,” ani Go.

Maaalalang sa inisyal na implementasyon ng SAP sa kainitan ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine, maraming benepisyaryo ang nagreklamong hindi nakatanggap ng ayuda.



Isa sa mga sinisising dahilan ay kawalan ng updated database. Pero kalaunan ay nagkaisa rin ang labor at social welfare departments sa information sharing scheme.

Naniniwala si Sen. Go na ang pagkakaroon ng isang inter-agency at inter-level working mechanism ay makatutulong nang malaki sa gobyerno para mabilis na matukoy kung anong espisipikong ayuda o serbisyo ang dapat na ibigay sa isang partikular na indibidwal o komunidad.

“This would lead to better decision making and execution as well as less wastage of valuable government resources. Mas magiging akma o angkop rin ang mga tulong na ibibigay ng gobyerno dahil alam na natin kung ano ang mga specific na pangangailangan ng mga apektadong tao o komunidad,” paliwanag ng mambabatas.

Kaakibat nito, isinulong ni Go ang pagpapasa ng Senate Bill No. 205 o ang Disaster Resilience Act of 2019 na layong lumikha ng Department of Disaster Resilience.

“Napapanahon na din na talagang magkaroon ng sariling departamento na nakatutok talaga at may Secretary-level na timon o overall in-charge tuwing may krisis o sakuna,” ani Go.

“Kung maitatag ang Department of Disaster Resilience, tunay na magiging laging handa tayo sa anumang krisis o sakuna — mas magiging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan, mas maiibsan ang masamang epekto ng kalamidad at mas mabilis makakabangon ang ating mga kababayan,” pangwakas ng mambabatas. (PFT Team)