Advertisers

Advertisers

UMAAPAW NA PAG-ASA

0 459

Advertisers

NANALO sa wakas si Joe Biden at Kamala Harris sa halalang pampanguluhan. Umaapaw ang pag-asa. Bumabalik ang Estados Unidos sa entablado bilang lider ng Malayang Mundo. Ito ang malinaw na kalatas ng maraming mamamayan, iba’t-ibang sektor, at maging ng ibang bansa. Mababalik ang kagandahang asal sa pakikitungo sa kapuwa tao.

Masyadong nahati ang Estados Unidos sa mapanuwag na pamumuno ni Donald Trump. Bastos, sumpungin, bugnutin, mapang-api sa mga kababaihan at itim, at walang modo sa kapuwa- ito ang mga pang-uri sa pagkatao ni Trump.

Kabastus-bastusan si Trump dahil naglaro siya ng golf sa umaga na itinampok ng mga media network si Biden na bagong halal ng pangulo.



Hindi siya nagpadala ng pagbati kay Biden. Iisa ang dahilan: ayaw niyang bumaba sa poder. Hindi niya maamin sa sarili na natalo siya sa halalan.

Patunay ang kanyang tweet na nagbibintang ng pandaraya sa halalan. Pinagtawanan siya ng buong mundo. Dumating sa punto na kapag nagtatalak siya ng pandaraya na hindi niya mapatunayan, pinuputol siya sa ere.

Mapapansin ang pagdiriwang ilang minuto matapos itanghal na bagong halal na pangulo si Biden. Nagpulong ang mga mamamayan sa mga kalsada. Nagsayawan. Naghiyawan. Ipinakita nila ang saya kahit matindi ang tama ng pandemya sa Estados Unidos.

Itinuring nila na bangungot ang pagkakahalal ni Trump noong 2016. Masyadong masalimuot ang kanyang pamumuno. Kahit ang mga simpleng bagay ay naging kumplikado. Marami rin siya nakaaway kahit na puedeng maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.

Sapagkat hindi kinikilala ni Trump ang panalo ni Biden, ikinababahala ng maraming tagamasid na mahihirapan ang kampo ni Biden na magkaroon ng maayos na transisyon sa susunod na 73 araw bago mailipat sa kamay ni Biden ang White House.



Mukhang pikon si Trump. Hindi siya handang tumanggap ng pagkatalo. Ipinahayag niya na magsasampa siya ng maraming demanda laban kay Biden na kanyang inaaakusahan ng pandaraya. Pinagtatawanan si Trump. Nililibak siya ng mundo. Masahol pa sa isang iyaking bata na inagawan ng kendi ang tingin ng mundo sa kanya.

***

MARAPAT lamang na mapawalang sala si Senadora Leila de Lima. Walang matibay na ebidensiya na iniharap ang gobyerno ni Rodrigo Duterte laban sa senadora. Isang halimbawa ang testimonyo ni Vicente Sy na nagsabing hindi siya nag-ambag ng P500,000 kay de Lima noong tumakbo siyang sa pagkasenadora noong 2016.

Post ito ng kanyang abogado na si Noni Tacardon: “Si Vicente Sy ay tumestigo noon at sinabi niya na nag-ambag daw siya ng halagang 500k para daw sa kampanya ni Senator De Lima noong 2012. Pero sa aming pagtatanong kanina, sinabi niya na kailanman ay hindi siya nagbigay ng pera kay Senator De Lima at sinabi rin niya na hindi niya kilala si De Lima.”

***

MAYROON post ang isang kaibigan ilang minuto na itinanghal na panalo si Joe Biden. Ipinaliwanag kung bakit naging mabagal ang bilangan sa Estados Unidos. Narito:

MABAGAL NA SISTEMA PERO GUMAGANA

Huwag magtaka kung wala pang itinatanghal na panalo sa halalang pampanguluhan sa Estados Unidos. Kakaiba ang nakalipas na halalan sa mga nakaraang halalan.

1. Ngayon lamang nagkaroon ng early voting system. Dahil sa pandemya, iniwasan ng mga election officials ang pagdagsa ng mga botante sa mga polling precinct. Pinayagan ang mga botante na bumoto sa pamamagitan ng koreo (postal system) o kaya bumoto ng maaga kung saan inihulog nila ang balota sa mga drop-off point.

2. Mano-mano ang bilangan ng mga balotang ipinadala ng koreo o inihulog. Hindi ito nalalayo sa manual counting system ng Filipinas noong bago magkaroon ng automation election noong 2010. Sinasalansan ng maayos ang mga balota at idinadaan sa scanning machine. Saka lamang binibilang ng machine ang mga boto. Lampas 100 milyon ang kabuuang bilang ng mga balota na kasali sa early voting system.

3. Iba-iba ang sistema ng bilangan sa bawat estado. May estado na binilang agad ang mga advanced votes. Halimbawa ang Ohio. Sa ibang estado, naunang binilang ang mga boto ng mga botanteng dumagsa sa presinto. Halimbawa ang Pennsylvania, Georgia, Nevada, at Arizona. Masa mabilis makatapos magbilang ang mga estado na inuna na bilangin ang mga advanced ballots.

4. Bagaman mabagal ang bilangan, maayos naman. Gumagana ang sistemang itinakda ng mga elections officials. Umaandar na maayos ang bilangan. Hindi totoo ang sinasabi ni Donald Trump na nagkaroon ng malawakang dayaan. Napikon lamang siya kasi natatalo siya sa bilangan. Hindi sumusuporta kahit ang mga kasama niya sa Republican Party sa mga sinasabi ni Trump na dayaan.

5. Hindi nakaporma ang Russia, China, o sinumang foreign power na may planong makialam sa halalan. Hindi nila napaghandaan ang early voting system.

6. Matatapos ang bilangan at magkakaroong ng bagong pangulo ang Estados Unidos sa Enero.

Sa maikli, kahit mabagal ang bilangan, walang dapat ipangamba. Marapat mangamba ang gobyernong Duterte dahil hindi sila bibiruin ng papasok na gobyerno ni Joe Biden.

***

QUOTE UNQUOTE: “It was the longest apprenticeship and he failed. He’s fired” – Sel Cabingan, dating sundalo, netizen

“They call him Sleepy Joe but it’s Donalds Trump who had sleepless nights.” – Dax Tan

“Comical Trump said that he won the election ‘by a lot.’ Comical Ali of Iraq said in 2003 that ‘Iraqi troops repelled American invaders in Baghdad.’” – Sajid Sinsuat Glang, netizen

“The feeling is like waking up from a nightmare. Another 4 years of Trump would have been hell. This is a day of deliverance!” – Christina Astorga, netizen