Advertisers
AGAD nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Ulysses matapos dumalo sa virtual 37th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits.
Pahayag ni Senador Bong Go, inikot nila ni Pangulong Duterte ang Marikina at Montalban na nalubog sa baha.
Sinabi ni Go, pinasisiguro ng Pangulo na handang magamit ang lahat ng assets ng gobyerno para masagip ang mga stranded.
Pinapa-mobilize na rin aniya ng Pangulo ang lahat ng kagamitan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Air Force, Navy, at Army, Philippine Coast Guard lalo na ang kanilang mga rubber boats para mapasok agad at ma-rescue ang mga residenteng humihingi ng saklolo.
“Ang sabi ng Pangulo: kapit lang tayo. Mag-bayanihan at magtulungan dahil ang gobyerno ay nandito para tumulong agad. Hindi namin kayo pababayaan,” pahayag ni Go.
Inatasan din ng Pangulo ang lahat ng ahensya ng gobyerno na tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.
Mahigpit din aniyang mino-monitor ng Pangulo ang mga pangyayari.