Advertisers

Advertisers

NAKUNAN NG VIDEO: AWOL NA PULIS DINUKOT NG ARMADO

0 264

Advertisers

LAGUNA – Pinaghahanap ngayon ng mga otoridad at miyembro ng kanyang pamilya ang isang dating pulis matapos dukutin ng mga armadong kalalakihan sa Barangay San Antonio, Los Banos, Miyerkules ng hapon.
Sa ulat, 2:06 ng hapon habang patungo sa panaderya para bumili ng tinapay si Michael Siervo, may asawa, Absent Without Leave (AWOL) na pulis, nang sumulpot ang limang kalalakihan na pawang nakasuot ng itim na jacket at bullcap na lulan sa kulay puti na Toyota Van ( AQA-5089) at kulay puti na Hyundai Van (MO-6984). At dito ay sapilitang kinaladkad ng mga lalaki sa gitna ng kalsada ang biktima na hindi na nagawang makapanlaban dahil may mga nakatutok na baril sa kanya hanggang sa naisinakay ito sa Toyota Van patungo ng bayan ng Bay at Sta. Cruz.
Isa sa mga nakababatang kapatid ng biktima na si Angelo at ama na si Eddie Siervo ang nag-ulat sa himpilan ng pulisya tungkol sa insidente makalipas ang dalawang oras.
Samantala, ayon kay San Antonio Bgy. Chairman Relly Palis, hinihinalang operasyon ito ng mga pulis kaya siya inaresto.
Batay naman sa salaysay ng ama ng biktima, agaran silang pumunta sa kampo sa bayan ng Sta. Cruz makaraan ang pagdukot sa kanyang anak pero wala ito roon.
Mabait aniya ang kanyang anak na dating napadestino sa bayan ng Sta. Maria at sa Pila, Laguna. Hindi lamang, aniya, malaman kung bakit nagawa nito mag – AWOL sa serbisyo sa loob ng halos tatlong taon.
Nitong mga nakaraang araw, ayon sa ama ng biktima, pinagplanuhan narin nitong bumalik sa serbisyo, ayusin ang kanyang mga papeles.
Nanawagan ang mga magulang ng biktima kay Pangulong Rodrigo Duterte na mahanap agad ang kanyang anak at mabigyan ng katarungan ang ginawa sa kanya.
Bibili lamang ito ng tinapay kaya nakasuot lang ng sando at short nang dukutin ng mga armadong kalalakihan, na hinihinalang mga pulis.
“Kung may kasalanan at may kaso man siya, dapat hindi ganoon ang ginawang pag-aresto sa kanya ng walang Warrant of Arrest,” dagdag ng ama ng biktima. (DICK GARAY)