Advertisers
MAY permit man o wala, iligal pa rin ang anumang uri ng pasabong sa bansa!
Ito ang mariing kumpirmasyon ni COVID Shield Task Force Commander, LtGen. Guillermo T. Eleazar kamakalawa sa SIKRETA.
Ang pahayag ng heneral ay kaugnay sa nakarating na ulat sa kanyang tanggapan na marami na ang cockpit operator na nagpapatakbo ng sabong, bagamat walang guidelines sa mga ito ang COVID 19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Bukod sa tagubilin ni Eleazar, second highest at Deputy Chief for Administration ng PNP, ay may mga nauna na ding pahayag sina Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año at Malacañang Spokesperson Harry Roque na ipinagbabawal nga ang pagpapasabong maging sa mga lisensyadong sabungan, habang ang bansa ay nahaharap pa sa pandemic.
Ngunit may ulat na sa Mataas na Kahoy Cockpit, ay gabi-gabing nagdadaos ng 1-Stag Timbangan. May regular hackfight naman sa Malvar Cockfit samantalang takda na ding magpasultada na sa Taysan Cockpit sa Brgy. Bilogo sa bayan naman ng Taysan, pawang sa lalawigan ng Batangas.
Sa Brgy. Palasan sa bayan ng Sta Cruz, Laguna naman idinadaos ang madayang e-sabong o sabong online na sinalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakailan.
Ang siste, sa halip na shabu, ay mga manok na tinale at yaong mga nasa scratching pen at cock house na sasabungin at nakatakdang isalang nga sa sabong online ang nadiskubre ng mga PDEA operatives.
Matapos na makausap na ng PDEA team leader ang isang Boss Atong na siyang may pakana ng sabong online ay “bahag ang buntot” na umalis doon ang mga operatiba.
“Nabahag nga ba ang buntot” o natakpan ang kanilang mga mata ng litrato nina Josefa Llanes Escoda, Vicente Lim at Jose Abad Santos? Alamin natin.
Ngunit kahit na nga matindi ang pagpapatupad ng batas ay may naibahagi pa sa ating ulat na sa Royce Hotel & Casino sa Clark Freeport Zone, Pampanga ay may ginanap na pasabong noong Nobyembre 5, 2020 at umabot pa sa mahigit pa sa 120 sultada ang inorganisang cockfights doon. Nakakadismaya, pagkat nasa ” tungki lamang ng ilong” ni Pampanga Acting PNP Provincial Director P/Col Andres Ocampo Simbajon ang nasabing iligal na aktibidad?
Kung nais ng ating mga sabong opisyonado na makapamusta sa malakihang pustahan ay sa Royce Hotel & Casino sila pumunta at may mga naka-eskedyul pa ulit palang mga sultada sa November 13, 16, 20, 23 at November 27-30.
Sa hahaliling buwan naman ay napakaraming nakatakda ding hack fight doon at ito ay gaganapin sa December 7, 11, 14 at 18. May papintakasi o derby pa sila simula sa December 18 hanggang December 28 kaya bale 14 na araw na walang puknat na salpukan ang mga alaga ng mga big-time na sabungero.
Magmumula sa ibat-ibang lalawigan ng Central Luzon at Metro-Manila ang nagpaabiso na magsisidayo doon para alisin ang kanilang “kati” kahit pa nga sa ipinagbabawal na pasabong.
Talagang astig pala ang operator ng naturang sabong pagkat coverage pa sa social media ang mga cockfights doon dahil nagpapatakbo din sila ng kanilang e sabong o sabong online.
Baka sakali na di pa alam ni PNP Region 3 Director PBG Valeriano De Leon, ay malamang na pinagtatawanan siya ngayon ng mga may pakana ng pasabong sa nasabing hotel & Casino. Katakot-takot daw ang bukol ni General?
Limpak-limpak ang naibulsang salapi ng mastermind ng iligal na pasabong doon pagkat unang-una ay wala naman silang dapat pang partehan na LGUs. Ang mga nakaabang na lamang marahil sa kanila ay ang ilang police protektor.
Ang operasyon ng kontrobersyal na sabong online o e-sabong ay bawal na bawal ding isagawa sa ibat-ibang panig ng kapuluan. Kaya malilintikan kayo kay General Eleazar!
Ang IATF ay orihinal na inorganisa sa bisa ng Executive Order No. 168 noong 2014 sa ilalim ng Administrasyong Benigno Aquino III para alamin, kontrolin at iwasan ang paglaganap ng anumang uri ng epedemyang maaring manalasa sa Pilipinas.
Nitong nakaraang Enero 2020, dahil sa COVID 19 ay muling naging aktibo ang AITF-EID at si Eleazar ang naging COVID 19 Shield Task Force Commander para ipatupad ang mga quarantine protocols, kaayusan, katahimikan at seguridad sa bansa.
Katuwang ng PNP ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection ( BFP) at maging ang mga barangay tanod. Abangan ang ating expose sa sabong online!
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com.