Advertisers
Isinulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang agarang pagpapasa ng panukala niyang magpapalakas at magmomodernisa sa Bureau of Immigration para mawalis na ang talamak na anomalya, gaya ng “pastillas scheme”.
“Matagal ko nang ipinaglalaban na i-modernize ang mga proseso sa gobyerno upang mas mapabilis ang serbisyo sa tao at matanggal ang korapsyon sa sistema. Isa na dito ang Bureau of Immigration na nababalot ng anomalya ngayon,” ayon kay Go.
Inihain ng senador ang Senate Bill No. 1649 o ang Bureau of Immigration Modernization Act of 2020 na kung papasa at maisasabatas, maa-update nito, mapapalakas ang batas at rules and regulations sa pagtanggap, pagpasok, pananatili at paglabas sa bansa ng isang indibidwal.
Ang nasabing batas ay magbibigay rin sa Immigration Commissioner ng mas mahigpit na kontrol at superbisyon sa mga opisyal at tauhan ng Bureau, gaya ng kapangyarihan na mag-appoint, mag-promote at mag-reassign.
Higit dito, ang sinomang indibidwal na mapatutunayang lumabag sa probisyon ng SBN 1649 at na-convict sa ilalim ng Republic Act No. 3019, mas kilala bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, sa corruption at bribery ay mapapatawan ng maximum penalty.
Sinabi ni Go na layon din ng kanyang panukala na maisaayos ang mga alituntunin sa mahigpit na pagmo- monitor sa mga dayuhang pumapasok sa bansa, tulad ng mga turista o yung mga nais nang dito manirahan.
Maitataguyod din nito ang modernisadong sistema sa pagdodokumento ng mga pumapasok na immigrants at non-immigrants.
“Isinusulong natin sa Senado na amyendahan ang lumang batas upang mas mapabuti ang serbisyo sa immigration, mas maaalagaan ang mga Pilipino, at mas maprotektahan ang bansa sa iba’t ibang panganib na pwedeng dumating,” ani Go.
Matatandaan na kamakailan, nagsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation sa may 86 immigration officials kaugnay ng paglabag sa anti-graft law dahil sa pagkakasangkot sa extort bribes sa mga foreign nationals, karaniwan ay Chinese nationals, kapalit ng malaking halaga.
Isinisisi ni Immigration Commissioner Jaime Morente sa mga luma nang sistema ang paglaganap ng mga iligal na iskema sa BI.
Tinukoy niya ang mga legal loopholes sa aniya’y outdated nang mga probisyon ng Commonwealth Act 613, mas kilala bilang The Philippine Immigration Act of 1940, na siyang pumipigil sa kanyang liderato na sugpuin ang katiwalian sa ahensiya.
Sa ilalim ng umiiral na batas, ang hepe ng BI ay walang kapangyarihan na mag-hire o mag-dismiss, at magpataw ng disciplinary action sa mga tiwaling opisyal.
Ang kapangyarihang ito ay nasa kamay lamang ng Secretary of Justice, kung saan sumasailalim ang BI.
“First line of defense natin ang Bureau of Immigration. Patuloy na nagbabago ang anyo at diskarte ng mga dayuhang may masamang balak na manamantala sa ating mga mamamayan. Dapat unahan ng gobyerno ang mga pagbabagong ito upang mas maprotektahan ang Pilipino laban sa terorismo at iba pang krimen na dinadala sa ating bansa,” ayon sa senador. (PFT Team)