Advertisers
Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Sabado, Nobyembre 14, ang pagbuo ng inter-agency task force para mapabilis ang pagresponde matapos na humagupit ang bagyong Super Typhoon Rolly at Typhoon Ulysses.
“Ang gobyerno natin ay gumagawa ng mga patakaran na para matulungan, makabangon ‘yung tinamaan ng epekto ng typhoon. Kaya, gumawa ako ng hakbang, creation of a task force,” pahayag ni Pangulong Duterte sa isang public address .
“I directed them to streamline, para mapadali ang rehabilitation efforts [for those] affected by the typhoon. Pangalawa, ‘yung isang task force ito ng different agencies ay halos lahat ng mga ahensiya sa gobyerno kasali dito,” sinabi pa ng Pangulo.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang kaniyang pahayag kasunod ng malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at Isabela na pinaniniwalaan na sanhi ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam.
Sinabi pa ng Pangulo na ang task force ay bibigyan ng takdang oras sa pagpaplano ng layout na tinitiyak na pagtugon at pagbjbigay ng relief para hindi maantala at ” i-cut yung red tape para mabilis ang takbo ng tulong sa tao.”
“Sa madaling sabi, gusto ko ‘yung task force na magbigay kaagad ng relief assistance sa affected na mga tao,” ani Duterte.
“Ewan ko kung ano ang gagawin ninyo, task force, kung ano man ‘yan ay gawin ninyo at ako na ang bahala kung sakali man meron dito, puwede o hindi… puwede lahat gawain na lang ninyo,” pahayag pa ng pangulo.
Sabi pa ng Punong Ehekutibo na ang Philippine Coast Guard, Army, at Navy ay pinadala para sa search and rescue sa mga lumubog na lugar.
Ang bagyong Ulysses naging sanhi ng malawakang pagbaha dahil sa bugso ng ulan mula sa Bicol, Southern Tagalog, Metro Manila at Region II, nang dumaan sa Luzon nitong Huwebes. (Vanz Fernandez)