Advertisers
Ang korapsyon ang isa sa mga nais walisin ni Totoy Kulambo sa pagtakbo niya sa panguluhan noong 2016 at patuloy na ibinabandera ito hanggang sa kasalukuyan. Iba’t-ibang pahayag ang naririnig natin sa kasalukuyan hinggil sa laban sa korapsyon. Ika nga e, “galit ako sa korapsyon,” at nagtayo pa ng isang opisina na siyang mangunguna sa paglaban sa mga katiwalian na nagaganap sa pamahalaan.
Ito ang Presidential Anti-Corruption Commission. Bukod ito sa Office of the Ombudsman na inuusig sa mga tiwali at Sandiganbayan, ang hukuman para sa mga tiwali. Ngunit ang tanong ng marami: ano na ang inabot ng kautusang ito?
O isa lamang itong pahayag na walang laman at balatkayo lang, o baka laban lang ito sa mga taong hindi kasama, kakampi, kaklase, Davaoeno, o’ sa mga rank-and-file na kawani ng gobyerno? Mula sa umpisa ng panunungkulan, wala ni isang malaki at matabang isda ang nalambat at nakasuhan higngil sa laban na ito.
May mga nagsipagbitiw subalit walang mga kaso ang isinampa laban sa mga tiwaling opisyal na malapit sa puno ng Balite sa Malacanang.
At muli, inatasan nito ang Kalihim ng Kagawaran ng Katarungan na simulan ang imbestigasyon sa lahat ng sangay ng pamahalaan. Sa simula pa lang, makikita na talagang moro-moro lamang ito, bakit ka ninyo? Minsan inimbitahan nito ang mga kawani ng Bureau of Immigration sa Malacanang, at pakakainin sana ng pastillas na may kalakip na pera bilang pagpapahiya sa kanila sa publiko. Pero may nangyari ba?
Sa pagpunta ng 45 na BI personnel na napagsuspetsahan, kaduda-duda na wala ang puno na siyang tinutukoy ng mga balita. Bakit?
Sa pagtakbo ng araw, buwan at taon, puro pahayag lamang ang nagaganap. Ang pinakahuling pahayag nito’y ang pagbibigay ng pabuya sa sino mang magsusumbong sa mga anomalyang nagaganap sa ano man tanggapan ng pamahalaan.
Mahirap panghawakan ang salita ni Totoy Kulambo dahil mukhang wala na ito sa wisyo at puro papogi na lang. Sa mga kaganapan, nabibigyan pa ng promosyon ang mga opisyal na gumagawa ng kabalastugan sa pamahalaan. Hindi ba Gen. Mananita?
Halos mag-iisang buwan na ng atasan ni Totoy Kulambo ang Kalihim ng Katarungan na siyasatin ang mga nagaganap na anomalya sa DPWH. Sa pagbaba ng utos nito, kagyat na nilinis ang pangalan ng Kalihim ng DPWH at sinabing buo ang tiwala dito.
Hindi pa humahakbang ang inutusan mayroon na kaagad balakid sa gagawing imbestigasyon gayong alam na alam ni Kalihim ang kalakaran sa kanyang Kagawaran. Maaring walang takits ang Kalihim, subalit saan patungo ang mga proyektong ginagawa nito. Nagtatanong lang po?
Di kaya sa subdivision ng pamilya nito, at ano ang tawag dito?? Kung may pahayag naman ng pagtitiwala dito, sino o ano pang malaking isda ang mahuhuli? Kung sabagay, kung mahuhusay ang mga imbestigador malamang aabot ang bakas hangang sa Kongreso at lalong mabigat ang makakalaban nito.
Kalakaran na ang porsyentuhan sa proyekto at ito’y umaabot sa tongreso. Sinalamin ito sa laban ng pagka ispiker at kita kung gaano kalalaki ang perang pinag-uusapan. Kung walang usaping pera, bakit pag-aawayan?
Tunay na mahirap pumasok ng transaksyon sa pamahalaan lokal man o pambansa. Kailangang mahaba ang pisi mo kung lehitimo ka sa negosyo at talagang dadaan ka sa tamang proseso. Sadyang marekositos ang pagpasok ng transaksyon sa pamahalaan dahil tinitiyak nito na mapupunta sa tamang kumpanya na may kakayanang tapusin o i-deliver ang proyektong kailangan.
Iba’t – ibang dokumento ang hinahanap at talagang dadaan ka sa butas ng karayom bago maibigay sa iyo ang proyekto. May mga tinatawag na Bids and Awards Committee na sumusuri sa bawat kompanyang nais lumahok o lumaban na maisagawa ang proyekto ayon sa isinasaad ng Procurement Law.
Sadyang mabusisi ito, subalit kung kakampi at payag ka sa SOP (for the boys) o’ kalakaran ng transaksyon, tiyak magiging moro-moro ang lahat at mailalatag sa iyo ang proyekto. Kung tsokaran mo naman ang mga puno ng mga ahensyang may proyekto, kahit laway at papel ang puhunan tiyak ang tubo at pagtabo sa pera ng tao.
Balikan natin ang DPWH bilang halimbawa, karamihan sa mga proyekto ng kagawaran ay pina-subcontract at moro-moro na lamang ang mga bidding na nagaganap. Pakitang dokumento lamang ang naglalagay ng kanilang mga bid price upang makalusot sa audit, dahil tiyak na kung sino ang mananalo sa proyekto.
Bago pa simulan ang proyekto, nagkakaroon na ng abutan ng gayla kung kanino o sino man ito. Iyan ang SOP na siyang kalakaran. At kung humirit pa ng karagdagang gayla, tiyak na pasok pa rin ito sa budget ng proyekto, o’ di kaya sa next project ang bawi.
Maging sa malalaking proyekto na bilyon- bilyon piso ang halaga, may mga class A corporation silang tinatawag na talaga naman pinaghahatian ang proyekto sa buong bansa. Talagang malinaw ang kalakaran ng SOP para kay Edi at Pati.
Mahihirapan ang DOJ matukoy ang mga anomalya dahil kabisado ng mga nagpapaganap ang kalakaran at baka may budget din ito para dito. Mahirap matukoy ang mga salarin na siya ring makakaharap mo sa pagdinig ng budget para sa iyong kagawaran na iyo rin ang pakinabang.
Sa pag-iimbistiga karaniwang natutukoy ang mga dilis at dikya na siyang laging scapegoat ng mga barakuda na napakadulas at handang lumaban.
Sa pagsusuri, ang utos ni Totoy Kulambo ay hindi para sa kanyang uri. Takot at pangamba ang siyang umiiral sa mga kawani na madaanan lang ng transaksyon o’ dokumento dahil sila ang siyang aako sa kasalanan na ‘di nila gawa.
Naghahanap lamang ng mapagpapasahan ng sisi at maipakita na may katuparan ang kanyang pangako. Subalit kung tunay ang laban kontra korapsyon, simulan na sa mga nahatulan… Ito ang gawing kalakaran.
Patuloy nating ipagdasal ang ating bansa na malampasan ang pagsubok na ating kinakaharap sa kasalukuyan, gayun din ang ating mga obrerong pangkalusugan. Salamat.
***
dantz_zamora@yahoo.com