Advertisers
HINDI sukat akalain na biglang lalaki ang sunog. Nang tumayo si Pia Cayetano upang salagin ang privilege speech ni Risa Hontiveros sa Senado noong Martes, mapapansin na kumalat na ang apoy ng maaaring magdidiin kay Alan Peter Cayetano sa katiwalian. Mukhang hindi basta-basta maapula ang sunog.
Humingi si Risa ng masusing pagsisiyasat sa maanomalyang paggawa ng New Clark Stadium na pinagdausan ng 2019 Southeast Asian Games. Nagkakahalaga umano ito ng P11 bilyon. Inutang ito ng BCDA at isang kumpanyang Malaysian sa DBP. Hindi diretsong inupakan ni Risa si Alan Peter ngumit biglang umaray si Pia. Si Vince Dizon, hepe ng BCDA, ang inatake ni Risa. Nagtataon ng kasapakat ito ni Alan Peter sa ilang bagay.
Umabot ang sunog sa halalan ng mga opisyales ng Philippine Olympic Committee (POC) na nakatakdang ganapin sa ika-27 ng Nobyembre. Kaugnay dito, nakatakdang maghain ang isang grupo ng sports leader ng isang petisyon sa disqualification kay Abraham “Bambol” Tolentino at ilang opisyales na kasangkot umano sa anomalya sa 2019 SEAG.
Hinihingi ng mga maituturing na iskirol na sports leader na diskuwalipikahin ang grupo ni Tolentino sapagkat nilabag umano nila ang tagubilin ng International Olympic Committee (IOC) na huwag tumanggap ng anumang bayad o suweldo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin bilang sports leader ng bansa. Mahigpit ang IOC sa larangan ng palakasan. Boluntarismo ang gusto nitong bigyan ng diin.
Kasama ni Bambol Tolentino sina Cynthia Carrion, Tom Carrasco, at tatlo pang opisyales ng POC. Inamin ni Carrion sa isang nalathalang panayam ng isang pahayagan na tumanggap sila ng bayad mula sa organizer ng 2019 SEAG dahil naglingkod sila sa ilalim ng iba’t-ibang kapasidad. Mukhang hindi alam ni Cynthia Carrion ang ispiritu ng boluntarismo at atas ng IOC dahil patuloy niyang binibigyan ng katwiran ang pagganap ng tungkulin sa SEAG. Mukhang hindi rin niya alam ang kahulugan ng “conflict of interest.”
Nauna dito, hiningi ng isang grupo ng sports leader ang pagsusumite ng Philippine SEA Games Organizaing Committee (Phisgoc) ng audited financial report tungkol sa gastos sa 2019 SEAG na ginanap sa Filipinas. Nagharap ng civil suit ang mga sports leader dahil hindi naisusumite ng Phisgoc na pinamumunuan ni Alan Peter ang financial statement kahit lampas na ng mahigit sa walong buwan ng deadline.
Walang maisagot si Alan Peter Cayetano sa mga akusasyon sa kanya kundi tawagin “political motivated” ang mga bintang. Kaya nga lamang ay mahirap ipaliwanag ang pagiging politically motivated ng mga maselang bintang. Paano magiging “politically motivated” kung ang lumagda ang Phisgoc sa isang kasunduan na obligadong magsumite ng audited financial report tungkol sa gastos ng 2019 SEA Games?
Malaking bahagi ng ginastos sa 2019 SEAG ay galing sa sambayanan. Sapagkat pera ito ng sambayanan, obligado na sundin ang auditing rules ng Commission on Audit. Kailangan ma-liquidate ang mga gastusin upang malaman kung naging maayos ang pagkakagastos ng salapi ng bayan. Pinirmahan noong ika-26 ng Agosto, 2019 ang Tripartite Agreement sa pagitan nina Butch Ramirez ng Philippine Sports Commission, Bambol Tolentino ng Philippine Olympic Committee, at Tatz Suzara, bata ni Cayetano sa Phisgoc.
Dapat isumite ang financial statement noong ika-9 ng Pebrero, 2020, o 60 araw pagkatapos ng SEAG. Nakasaad kasi ang probisyon na iyan sa Tripartite Agreement. Nabalam ang pagsusumite dahil sa pandemya. Hindi kumilos si Bambol T. upang igiit ang pagsusumite ng financial report. Ganoon rin si Ramirez. Mukhang magkakampi sila nina Cayetano.
Gusto nila wala ng financial statement na maliwanag na isang paglabag sa kasunduan. Masyadong naantala na. Walong buwan na hindi nila isinumite ang financial report. Kaya hiningi ng majority ng POC Executive Board na isumite ang financial statement noon pang Oktubre, ngunit nagtengang kawali ang Phisgoc. Hindi pinansin. Nagbulag-bulagan.
Masyadong malaki ang ibinuhos ng gobyerno sa 2019 SEAG. Lampas P15 bilyon. Gumugol ng lampas P11 bilyon sa pagpapatayo ng New Clark Sports Stadium. Sa mismong palaro, umabot P6 bilyon kahit na sinasabi ng PSC na P1.4 bilyon lamang ang naibigay nila sa Phisgoc. Gayunpaman, bilyon piso pa rin ang naibigay.
Marapat lamang ang audited financial report kasi itinatagubilin iyan ng Saligang Batas – ang maayos na auditing ng lahat ng gastos ng gobyerno. Hindi pera ni Alan Peter Cayetano ang ginugol sa palaro; hindi salapi ni Bambol Tolentino ang ginastos. Pera iyan ng sambayanan. Kaya ipaliwanag ng Phisgoc ng maayos kung paano nagastos ang salapi.
Anong pulitika ang pinagsasabi ni Alan Peter Cayetano? Nasibak na siya sa Kamara de Representante. Wala ng hahabulin sa kanya. Isa na lang siyang ordinaryong mambabatas. Halos walang pangil. Walang mapapala sa kanya. Pero napakalaking salapi ng sambayanan ang nangangailangan ng paliwanag. Kailangan niyang sabihin ng maayos kung paano ginastos ang bilyong pondo ng SEAG. Hindi puedeng hindi siya magpapaliwanag.
Kung hindi siya magpapaliwanag sa bayan, marapat siyang ihabla sa kasong breach of contract at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Office of the Ombudsman. Masyadong malambot ang civil complaint. May sapat na batayan na kasuhan siya ng estafa, o panloloko. Maliwanag?
***
ANO ang kasalanan ni Bambol Tolentino? Siya ang opisyal ng POC na hindi nagbigay ng kahit anumang babala tungkol sa hindi pagsunod ni Cayetano at Phisgoc sa itinatadhana ng Tripartite Agreement tungkol sa pagsusumite ng audited financial report. Hindi lamang kapabayaan. Malinaw na pagtalikod sa kanyang tungkulin ang kanyang ginawa.
Magkakampi sila ni Alan Peter. Magkasapakat, sa maikli. Noong ispiker si Cayetano, si Bambol T. ang hepe ng committee on accounts, ang komite ng nangangasiwa sa salapi ng Kamara. Kontrolado nila ang salapi ng bayan na ginagamit sa pagpapatakbo ng Kamara. Isa itong dahilan kaya halos magpakamatay si Alan Peter. Ayaw ibigay ang Kamara kay Lord Alan Velasco.
Mukhang may kasunduan ang dalawa na magsasama-sama sa maraming lakad kahit maubos ang pera ng bayan. Hindi lamang iyan. Mukhang idinawit nila ang mga ibang sports leader na binigyan ng kaunting trabaho kapalit ang munting halaga sa nakaraang SEAG. Mukhang kasapakat sila ang mga ito kapalit ang barya.
Dahil sa maituturing na imoral na pagpapatakbo ng POC, ang mga kasamang sports leader ang ngayon ay kalaban ni Bambol T. Hindi nila masikmura ang korapsyon sa loob ng POC. Dito nagkakabakbakan sa loob. Kaya madugo ang halalan sa Nob. 27. Manmanan.