Advertisers
Ipinahayag ng isang environmentalist na maihahalintulad na ang Upper Marikina Watershed sa taong may ‘stage 4’ na kanser na naghihintay na lamang ng kanyang kamatayan.
Sinabi ni Billie Dumaliang, trustee and advocacy officer ng Masungi Georeserve, kalbo na ang kalakhang bahagi ng nasabing lugar dahil sa kagagawan ng mga landgrabber, illegal logger, mag-uuling at iba pa.
Ayon kay Dumaliang, nakitaan na ang pagkakalbo ng lugar noon pang 2017 nang maging kalihim ng Department of Environment and Natural Resources si Gina Lopez.
Ngunit wala pang gaanong aksyon ng mga kinauukulan para ibalik sa dating magubat na pook ang nasabing lugar.
Protektado ang lugar ng Proclamation 296 na pinalabas ng pamahalaan noong 2001 at pinangalanan itong Upper Marikina River Basin Protected Landscape.
Sumunod dito ang Republic Act No. 7586 o National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992 na nagsabing dapat maprotektahan ito mula sa mapanirang gawain ng tao.
Subalit binalewala lang umano ng mga illegal grabber, illegal logger, mag-uuling at iba pa ang mga nasabing batas.
Mayroon umanong makapangyarihang nag-angkin ng malaking bahagi ng watershed at pinagbabawalan ang mga conservationist na pumasok para malaman kung paano kinakalbo ang kagubatan sa lugar.
Magkagayunman, sinabi ng conservationist na pupwede pang ibalik sa dati nitong anyo ang lugar sa pamamagitan ng muling pagtatanim ng puno at pagbabawal ng lahat ng nakasisirang gawain.
Kung hindi umano magagawa ito, palala nang palala ang mga kalamidad sa mga kapaligiran nito at hindi na mapipigilan ang mga mala-Ondoy at mala-Ulysses na baha hindi lang sa Marikina kundi sa iba pang mga lugar na kaugnay ng watershed.