Advertisers
SUNTOK sa buwan ang tawag kapag ang isang plano, programa, proyekto, o anumang balak gawin ng sinumang tao, kasama d’yan si General Debold Sinas.
Suntok sa buwan din kahit patakaran, o polisiya, kung hindi ito natupad, o ipinatupad, sa nakaraan.
Nang umupong hepe ng Philippine National Police (PNP) nitong Nobyembre 10, binanggit ni Sinas na ang mga pokus ng kanyang pamumuno sa PNP ay paigtingin ang kontra – iligal na drogang kampanya ng administrasyong Duterte, “no take policy” at iba pa.
Si Sinas ay magreretiro sa Mayo 8, kaya anim na buwan siyang hepe ng pambansang pulisya.
Sa usapin ng iligal na droga, lahat naman ng naging pinuno ng PNP ay ito ang pangunahing gagawin simula kay retiradong Heneral Ronald dela Rosa.
Iba-iba lang ang pokus, ngunit hindi nawawala ang pagpatay sa mga sangkot sa bentahan at adiksyon sa droga.
Sa mahigit dalawang buwang termino ni retiradong Heneral Camilo Cascolan, kasuhan ang mga high – value – target (HVT).
Kukuha raw ng mga ebidensiya mula sa mga nahuhuli ng mga pulis na “small time pushers”.
Maraming nahuli ang mga pulis.
Ilang sa mga nasakote ay nakumpiskahan ng milyun-milyong halaga, ngunit hindi HVTs.
Wala naman akong nabalitaang kinasuhang HVT sa panahon ni Cascolan.
Kahit ang mga reporter sa beat ng Camp Rafael Crame ay walang ibinalitang mayroong kinasuhan ang anumang yunit ng PNP mula unahan ng Luzon hanggang sa talampakan ng Mindanao na mga HVT.
Ngayong panahon ni Sinas ay malalaman natin sa mga susunod na araw at buwan kung ano sa aktuwal ng sinasabi niyang ipagpatuoy ang kampanya laban sa droga.
Magalin din naman itong si Sinas sa kampanya laban sa droga.
Noong pinuno siya ng Rehiyong Central Visayas ay maraming namatay na mga sangkot sa iligal na droga.
Nang ilunsad ni Sinas ang “Operation Sauron” (Sauron ay sipol na hinalaw sa pelikulang Lord of the Rings), maraming aktibista at magsasaka sa Rehiyong Cetral Visayas.
Miyembro raw ng New People’s Army (NPA) ang mga magsasaka.
Napakarami ring namatay na mga pusher, runner at user nang maging direktor siya ng pulisya sa Metro Manila.
Ilan sa kanila ay kalalaya lang sa kulungan na namatay.
Kaya, huwag maliitin si Sinas kapag kontra droga at kontra – komunismo ang pinag-uusapan.
Sa no take policy ako makikipagtalo.
Sa panahon ni Sinas bilang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), talamak ang iba’t ibang klase ng iligal na sugal sa National Capital Region (NCR).
Namamayagpag ang mismong jueteng; ang jueteng na small town lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang prente ng operasyon; video karera operations; iligal na mga sugal sa mga peryahan; sugal – lupa sa ilang bangketa ng Quezon City, Caloocan, Maynila, Pasay, Taguig, Paranaque at Muntinlupa.
Mayroon ding sakla sa mga burol ng mga taong matagal nang patay, tupada at marami pang iba.
Lahat nang ‘yan ay mayroong kolektor, o bagman, mula sa city hall at pulisya.
Ang usaping ito ay alam ng maraming reporter.
Ngunit, hindi napatigil sa panahon ni Sinas.
Ito’y kahit na tumango si Sinas sa utos noon ni General Archie Francisco Gamboa sa mga hepe ng iba’ ibang yunit ng pulisya, partikular na ang mga direktor sa rehiyon at lalawigan na walang tatanggap mula sa gambling lords at iba pang iligalidad.
Nanatiling umikot ang mga bagman sa dapat nilang ikutan.
Ang matindi, ang ibang bagman ay pulis din.
Pokaragat na ‘yan!
Inulit ni Sinas ang idineklarang polisiya ni Gamboa na naging patakaran na rin ng mga dating hepe ng PNP.
Alam ‘yan ng mga reporter sa Camp Crame, lalo na iyong mga beterano sa Crame.
Ginagawa naman ng lahat ng lider, o pinuno ng kahit anong organisasyon, ang paglalabas ng patakaran.
Kaya, tama lang ang ginawa ni Sinas.
Ang mali ni Sinas ay ang patakarang walang tatanggap ng lingguhang tara mula sa mga opisyal at miyembro ng PNP, sapagkat suntok ito sa buwan.
Ngunit, kung igigiit ni Sinas at ng kanyang tagapagsalita na totoo, tapat at seryoso ang bagong hepe ng PNP sa kanyang sinabing no take policy, e, di maganda kung ganoon.
Ang dapat isunod na hakbang ni Sinas ay totohanin niya at simulan kaagad ang pagpuntirya sa mga opisyal ng PNP na tumatanggap ng lingguhang tara.
Ang alam ko ay hindi mahihirapan si Sinas sa isyung ito dahil mayroon siyang ‘magaling’ na intelligence officer.
Tauhan ni Sinas sa Central Visaya ang naturang intelligence officer.
Dinala niya sa NCRPO ang binabanggit kong opisyal.
Ang intelligence officer na ito ay mayroong litrato na kasamang nakipagdiwang sa kaarawan ng isang kilalang drug lord na ginanap sa New Bilibid Prison (NBP).