Advertisers
UMAKYAT na sa 69 katao ang nasawi, 21 ang sugatan habang 12 ang missing sa pananalasa ng Bagyong Ulysses sa bansa batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (MDDRMC).
Sa datos ng NDDRMC, sinabi ni Mark Timbal, spokesman, mula sa 69 katao nasawi 24 katao ang naitala sa Cagayan Valley Region, 2 sa Central Luzon, 17 sa Calabarzon, 8 sa Bicol Region, 10 sa Cordillera Administrative Region (CAR), at 8 sa National Capital Region (NCR).
Samantala 12 katao ang missing kung saan 8 ay sa Bicol Region, 3 sa NCR at 1 sa Calabarzon.
Habang 21 katao ang sugatan kung saan 9 sa Calabarzon, 8 sa Bicol Region, 3 sa Central Luzon at 1 sa CAR.
Nasa 25,852 mga kabahayaan ang napinsala at sinira ng bagyong Ulysses.
Umabot naman sa P1.19 bilyon ang pinsala sa agrikultura sa Region 1, 2, 3, Calabarzon at CAR habang nasa P469.7 milyon ang pinsala sa imprastraktura sa Region 1, Mimaropa at Region 5.
Kaugnay nito, nagtungo si NDRRMC chairperson at DND Sec, Delfin Lorenzana at Local Government Sec. Eduardo Año sa Tuguegarao upang personal na magsagawa ng mga inspeksyon sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Ulyssess at alamin kung ano pa ang maitutulong ng pamahalaan sa mga apektadong lugar.
Samantala, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na makakatanggap ng tulong ang mga biktima ng bagyong Ulysses at iniutos na rin ang paglipat sa mga biktima sa ligtas na lugar. (Mark Obleada/Jonah Mallari)