Advertisers
BUBUSISIIN ng mga senador ang Magat Dam management matapos itong sisihin ng mga lokal na pamahalaan dahil sa malawakang pagbaha sa Cagayan Valley at Marikina City.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, uusisain nila ang dam operators, pati na ang National Power Corporation (Napocor) at National Irrigation Administration (NIA) sa posibleng naging pagkukulang ng mga ito sa naturang pangyayari.
Pero hindi na magpapatawag ng hearing ang mga senador dahil ngayong linggo rin naman nakatakdang dumalo sa Senado ang mga ito dahil tatalakayin na sa plenaryo ang kanilang budget para sa 2021.
Una rito, inihayag ni Engr. Wilfredo Gloria ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS), na sinunod nila ang mga panuntunan sa pagbibigay ng impormasyon bago nag-release ng tubig.
Maging ang Pagasa ay hindi kumbinsidong kasalanan ng dam operators ang nasabing pagbaha, dahil obligasyon din naman ng mga namamahala sa dam na panatilihin sa safe level ang laman ng kanilang mga pasilidad.