Advertisers
QUOTA na ang pamahalaang Lungsod ng Maynila sa target na mass production ng isang milyon na washable face masks, na layunin din na makapagbigay ng proteksyon sa bawat isang Manilenyo kontra COVID-19 at nakapagbigay din ng hanapbuhay sa mahigit na 300 katao sa gitna ng pandemya.
Ito ang inanunsyo ni Mayor Isko Moreno sa regular na flag raising ceremony noong Lunes kasabay ng pagbati niya sa Public Employment Service Office (PESO) sa pangunguna ni Fernan Bermejo dahil sa nagawa nitong tapusin ang proyekto na inilunsad noong Hunyo 15.
Nabatid kay Bermejo na ang tagumpay ng proyekto ay bunga na rin sa tulong ng 305 mananahi, 10 master cutters at pitong jeepney drivers. Bawat isa ay binayaran ng P4 kada mask na magagawa habang ang pamahalaang lokal ang nagbibigay ng materyales at makinang panahi.
Sinabi pa ni Bermejo na nais pa ng alkalde na magkaroon pang muli ng panibagong round ng paggawa ng face masks na aabot sa 500,000 piraso.
Pinasalamatan din ni Moreno si Malou Tiquia, presidente ng Universidad de Manila sa pagpapahiram ng ilang classrooms ng pamantasan upang magsilbing tahian ng face masks at si Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennis Viaje sa pagtulong para mai-deliver ang mga face masks sa mga assigned recipients.
Matatandaan na inilunsad ni Moreno ang proyekto sa gitna ng pandemya sa layuning makapagbigay libreng face masks sa mamamayan na walang kakayanan na bumili at makalikha ng trabaho sa daan-daang residente ng lungsod.
Napuna ni Moreno na dahil mahal ang disposable face masks, ang pamahalaang lokal ay nakaisip ng paraan na mag- mass-produced ng washable face mask upang ipamigay ng libre sa mga residente ng lungsod.
Sinabi pa ni Bermejo na ang pondong ginamit sa pagggawa ng face masks ay mula sa kaban ng bayan, pero partikular sa mga cash donations na galing sa mga donors mula lokal at abtoad na nagnanais tumulong sa laban ng Maynila kontra COVID-19.
Para sa nasabing proyekto ay bumili ang lungsod ng makinang panahi at iba pang kailangan.
Sa ilalim ng nasabing proyekto, ang bayad sa mga mananahi at iba pang manggawa ng face masks ay production-based, ibig sabihin sila ay babayaran ng kaukulang halaga sa bawat mask na magagawa.
Kapag ang isang manggagawa ay kumita na ng halagang katumbas ng isang buwang kita ay ibibigay naman ang pagkakataon sa ibang manggagawa para ito naman ang kumita.
Ayon pa kay Moreno, ang idea na ito ay base sa isang pag-aaral na nagpapakita ng pagbaba ng kaso ng coronavirus sa Czechoslovakia kung saan ang mamamayan mismo ang nanguna na gumawa ng face mask para sa lahat, kaya naman bumaba ang bilang ng infection rate.
Samantala ay inanunsyo ni Moreno na may panibagong P100,000 cash incentives ang ibibigay sa barangay na zero COVID cases sa loob ng magkasunod na dalawang buwan. (ANDI GARCIA)