Advertisers
DAHIL ang pagpigil at pagsugpo sa COVID-19 ay kapwa responsibilidad ng pamahalaang lungsod at ng barangay ay inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na tuloy ang pagbibigay ng P100K na insentibo sa mga barangay na magrerehistro ng zero covid ng dalawang sunod na buwan. Ito ay makaraang mapatunayang epektibo ang pagbibigay ng cash incentives sa mga barangay upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Kasabay ng pag-aanunsyo ni Moreno ay nilagdaan nya ang Executive Order No. 45 na nagbibigay daan para sa pagpapalawig ng incetivizing program sa mga barangay na napapanatiling COVID-free sa loob ng dalawang buwan sa pamamagitan ng pagkakaloob dito ng P100,000 bawat isang barangay.
May 73 barangay mula sa kabuuang 896 barangays ang nagrehistro ng zero COVID-19 sa loob ng dalawang sunod na buwan mula September 1, 2020 hanggang October 31, 2020, dahil dito ay sinabi ni Moreno na ang pagbibigay ng incentives sa mga barangays ay epektibo sa pagpigil ng impeksyon lalo na sa grassroots level.
Sinabi pa ni Moreno na magbibigay silang muli ni Vice Mayor Honey Lacuna ng panibagong round ng cash incentives sa mga barangays na may zero COVID-19 mula December 1, 2020 hanggang January 31, 2021.
“If the 73 barangays are able to maintain their COVID-free status for the next two months, they will again get P100,000,” ayon kay Moreno.
Ang EO 45 ayon kay Moreno ay dadalhin sa Manila City Council na pinamumunuan ni Lacuna bilang presiding officer, para sa kaukulang pondo. Ang City Budget Officer naman ay aatasang makipag-coordinate sa Manila City Council para sa nasabing layunin.
Sa ilalim ng programang ito, sinabi ni Moreno na ang statistics ay maingat na sinisiyasat at biniberipika ng Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Arnold Pangan kung saan palagian ding iniimpormahan ang Department of Health (DOH) kaugnay ng mga naitatalang kaso sa lungsod.
Sinabi pa ni Moreno na ang MHD at Manila Barangay Bureau (MBB) sa ilalim ni director Romeo Bagay ay magtutulungan upang mabantayan ang pagpapatupad ng EO at isusumite ang ulat sa mayor’s office ng palagian.
“While the city already achieved several milestones in its fight against COVID-19, the city, nonetheless, admits that more is needed to be done,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa nito na : “Cognizant of the limited resources of the barangays, the city finds it imperative to motivate its barangays in this fight (against COVID) by providing them with incentives which can also serve as assistance in maximizing their efforts.”
Simula pa ng pandemya ang Maynila ay nagsagawa na ng matitinding pamamaraan at hakbangin at pinanatili ito upang labanan, mapigilan at malunasan ang coronavirus.
Nagbigay naman ng magandang resulta ang mga ito at dahil dito ay muling naibalik ang tiwala ng publiko sa social at economic institutions ng lungsod. (ANDI GARCIA)