Advertisers

Advertisers

JOURNALIST BINARIL NG SUNDALO SA MASBATE

0 325

Advertisers

NABARIL at nasawi ang isang mamamahayag na nakabase sa Masbate ng mga sundalo sa Barangay Matanglad, Milagros, Masbate.
Kinilala ang biktima na si Ronnie Villamor, 50, contri-butor ng lokal na pahayagang Dos Kantos at dating pastor.
Sa report, napatay sa engkwentro ng mga sundalo si Villamor 1:30 ng hapon nitong Sabado.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Scout Platoon sa pangunguna ni 2nd Lieutenant Maydim Jomadil na mayroong lima katao na namataan sa Bgy. Matanglad na may dalang mga baril.
Agad nagsagawa ng combat operation ang mga sundalo at nakasagupa ang mga armadong kalalakihan na nakapuwesto sa iba’t ibang direksyon.
Isa sa mga armado na si Villamor ay sumakay ng motorsiklo para tumakas.
Sinabihan ng mga sundalo si Villamor na huminto pero bumunot umano ito ng baril at itinutok sa kanila. Agad pinaputukan ng mga sundalo si Villamor na ikinasawi nito.
Pero sinabi ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) na nagkober si Villamor sa isang pinag-aagawang lupain sa barangay nang harangin ito ng militar.
Ayon sa NUJP, sinabi ng mga kasamahan ni Villamor na nakipag-coordinate sila sa pulisya at ipinagbigay-alam ang kanilang pakay sa Bgy. Matanglad. Pero hindi natuloy ang kanilang pagpunta dahil hinarangan sila ng mga sundalo.
Nagpasya si Villamor at kanyang mga kasamahan na tumawag sa pulisya para manghingi ng tulong.
Ilang sandali pa’y umalingawngaw na ang sunod-sunod na putok ng baril at napatay si Villamor.
Si Villamor ay ika-apat na mamamahayag na pinatay sa Masbate matapos kay Joaquin Briones (Marso 2017), Antonio Castillo (Hunyo 2009), at Nelson Nedura (Dis. 2003).
Ayon pa sa NUJP, ika-19 mamamahayag si Villamor na pinaslang mula nang maupo si Pangulong Duterte at pang-191 mula 1986.