Advertisers
“KAPAG sobrang mura, magduda ka ka, huwag ka ng bumili.”
Ito ang payo ni Manila Mayor Isko Moreno sa publiko na kadalasang pinipili ang online shopping bilang paraan ng pamimili lalo’t malapit na ang Pasko kung saan sila ay madalas na nagiging biktima ng mga mapagsamantalang online traders na nagbebenta ng mga cheap at pekeng health products. Dahil dito ay hinihingan ni Moreno ng pormal na paliwanag ang Shoppee at Lazada sa pagpayag nitong magamit ang kanilang kumpanya sa distrubusyon ng mga mumumurahin at palsipikadong produkto.
Ito ang pahayag ni Moreno makaraang personal na pangunahan ang pagsalakay sa dalawang bodega sa Binondo na nagbebenta ng bogus na health at beauty products. Ang mga nasabing produkto ay natyempuhang ready na for delivery sa mga customers dahil nakaimpake na at may kumpletong pangalan at mga address ng pagdadalhan sa Metro Manila at karatig probinsya.
Ang mga online sellers ng mga bogus na health at beauty products ay naaktuhan ding nakahiga sa kuwarto sa gusali kung saan naroon ang bodegang sinalakay.
Sinamahan si Moreno sa ginawang pagsalakay nina bureau of permits chief Levi Facundo, MPD-Station 2 Dagupan PCP chief Maj. Jerry Tubera at Special Mayor’s Reaction Team chief Maj. Jhun Ibay na agad ding ipinasara ang dalawang bodega na napatunayang kulang sa kaukulang permit, habang ang mga produkto sa bodega ay walang ring kaukulang approval mula sa Food and Drugs Administration (FDA).
Ang sinalakay na bodega ay matatagpuan sa 539 Caballero at 281-H San Fernando Streets na parehong nasa Binondo at pag-aari nina Johnson Sy at Jerry Ong.
Tinatayang nasa mahigit P3 million ang halaga ng mga fake branded shampoos, lotions, perfume at maging baby skin products na pawang immitations ng mga produktong gawa ng mga leading pharmaceutical companies sa bansa.
Bunga ng pangyayaring ito ay nanawagan si Moreno sa Shoppee at Lazada at iginiit na ang mga applicants para online selling ay dapat na subject sa approval at due diligence kaya “if we do not receive proper explanation, you may be charged for certain liabilities because you are putting the citizens of Manila at risk by allowing these bogus products to be sold in your system.”
Payo naman ni Moreno sa publiko: “ Pag sobrang mura sa alam ninyong presyo, ang dapat na umiral sa atin ay pagdududa. Bakit binebenta ng sobrang mura? Hindi laging pagtitipid ang dapat na umiral sa atin, dapat duda at kaligtasan din.”
Napuna rin ni Moreno na ang mga pekeng produkto na ini-impake para i-deliver ng mga online sellers ay may hatid na peligro sa kalusugan dahil ito ay inilalagay sa balat, buhok at iniinom pa kung minsan dahil ang ilan dito ay proteksyon ng mga sanggol mula sa rashes.
“When you allow a certain seller in your site, see to it that you practice due diligence by at least asking if the products, specially food and health products, are covered by the necessary documentation and approval from the FDA,” pahayag ni Moreno na idinagdag pa na sa ilalim ng Section 16 ng Local Government Code, ay obligado siyang protektahan ang mamamayan ng Lungsod ng Maynila.
Samantala, ayon kay Facundo sina Sy at Ong ay sinampahan ng kasong paglabag sa RA 7394 o Consumer Act of the Phlippines, RA 9711 o FDA Act of 2009 at Ordinance 8331 sa kabiguang kumuha ng business at occupational permits at kabiguang magsumite ng DOH-FDA license to operate. (ANDI GARCIA)