Advertisers
UMAPELA si Senate Committee on Health chair, Sen. Christopher “Bong” Go na alisin na ang temporary suspension na ibinaba ng Philippine Overseas Employment Administration sa overseas deployment ng mga nurse at iba pang nursing personnel.
Sinabi ni Go na ang hakbang na ito ay magbebenepisyo sa out-of-work nurses, karamihan ay may naaprubahan nang overseas employment contracts subalit napigilan sa pag-alis sa bansa dahil sa delay na paglalabas ng kanilang visa bunsod ng nationwide lockdown sa COVID-19 pandemic.
“World-class po ang ating mga medical professionals. Kailangan ang serbisyo nila sa buong mundo. May sinumpaan sila sa kanilang trabaho na sumalba ng buhay kahit sinuman, kahit saan man,” ani Go.
“Ang pakikipag-bayanihan natin upang malampasan ang krisis na ito ay hindi limitado sa bansa natin lamang. We also recognize the invaluable service that our medical professionals are doing in different parts of the world,” aniya pa.
Dahil dito, muling nanawagan sa gobyerno si Go na tiyakin ang kapakanan at karapatan ng overseas Filipino workers mula sa deployment hanggang sa kanilang pagbabalik-bayan.
Inirekomenda niya na idetermina ng mga kinauukulang ahensiya ang bilang ng deployment ng nurses para masiguro kung sasapat ang supply ng mga ito sa bansa habang pinalalakas ang bilang ng mga bagong Filipino health workers sa ibayong-dagat na sinasabing kumaunti dahil sa ban.
Noong April 2, naglabas ang POEA ng kautusan na i-ban ang deployment ng lahat ng health workers matapos ideklara ni President Rodrigo Duterte ang state of national emergency dulot ng COVID-19 pandemic.
“Kawawa naman ang mga healthcare professionals na mayroon nang pirmadong mga kontrata pero hindi makaalis dahil sa deployment ban. Ang iba sa kanila ay naipit sa Pilipinas nang walang trabaho at gumastos na ng malaking halaga para asikasuhin ang mga dokumento para sa kani-kanilang deployment. Magmalasakit tayo sa kanila dahil kabuhayan nila ang nakataya dito,” anang sendor. (PFT Team)