Advertisers
Lusot na sa committee level ang panukalang batas na naglalayong magtatag ng ICT Hubs sa buong bansa.
Sa ilalim ng unnumbered substitute bill ana kikilalaning “Online Network Philippines Act,” ay isusulong ang interconnectivity ng mga lokal na pamahalaan mula sa mga pangunahing lungsod hanggang sa mga maliliit na barangay sa buong bansa, pagkakaroon ng central data system sa mga lalawigan sa ibat ibang ahensya ng pamahalaan upang paunlarin ang e-government sa lokalidad at ng buong bansa, gayundin at maging konektado ang mga lalawigan at LGU sa national government lalo na sa gitna ng banta ng kalamidad.
Nakapaloob din dito ang interconnection sa lahat ng isla sa bansa na bubuo sa “One Philippines”, at ang pagbuo ng national broadband network, at pamamahagi ng mga insentibo upang mahikayat ang pribadong sektor na mamuhunan sa mga kanayunan sa pamamagitan ng pagtatatag ng ICT infrastructure.
Layunin ng panukala na itatag ang ICT Hubs bilang bahagi ng pagpapalakas sa national ICT Plan na hinanda ng Department of Information and Communications Technology.
Susuriin ng ICT Plan ang mga pangangailangan ng mga lalawigan at tukuyin ang mga nababagay na uri at bilang ng ICT Hubs na balak paunlarin.
Tutukuyin ng DICT at LGU kung saan ilalagay ang mga ICT Hubs batay sa mga lokasyon at populasyon ng lugar.
Ayon kay Tarlac Rep. Victor Yap, chair ng komite, naaprubahan na noong nakaraang kongreso ang isang kahalintulad na batas at naipadala na rin sa senado ngunit hindi napagtibay bilang isang batas.
Umaasa naman ito na ngayon at maisasakatuparan na panukala na aniya’y mas pulido at makakatugon sa new normal. (Henry Padilla)