Advertisers
SUGATAN ang isang bilanggo nang tamaan ng bala ng M-16 armalite rifle ng on-duty na jail guard na umano’y nag-warning shot ng South Cotabato Provincial Jail.
Kinilala ang nasugatang preso na si Mutalib Usman Aliman, 27-anyos, ng Barangay Datu Angal, Midtimbang, Maguindanao, at may kasong 15 counts sa droga.
Ayon kay Jail Warden Felicito Gumapac, aksidente lamang ang pagkakatama sa hita ni Aliman,
Sinabi pa ni Gumapac na hindi riot ang nangyari sa loob ng piitan kundi warning o babala lamang ang ginawa ng jail guard, ngunit dahil sa hindi inaasahang pagtama nito sa matigas na bagay ay tinamaan si Aliman.
Sa panig ng jail guard na si Ronnelio Gazo, umaga pa lamang ay nagpapasaway na raw ang mga preso kaya’t makailang beses na itong nagbabala ngunit kinahapunan ganun parin ang nangyari.
At upang manatili sa kanilang selda ang mga preso dahil sa ulat na may tinatapon na mga droga sa pader ay nagpaputok ito ngunit aksidenteng tinamaan si Aliman.
Agad na dinala sa South Cotabato Provincial Hospital si Aliman upang lapatan ng kaukulang lunas.
Siniguro naman ni Gumapac na magsasagawa parin ng imbestigasyon at pansamantalang ire-relieve sa posisyon ang jail guard.