Advertisers
Iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go na iprayoridad ang masusing pagpaplano sa pamumuhunan sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program (BP2) upang matiyak ang pagbangon ng ekonomiya sa mga lalawigan.
Ayon ayon kay Go, ang ganitong pamamaraan ay makatutulong sa mga komunidad para makabangon sa naging epekto ng COVID-19 pandemic at makapagbigay ng oportunidad sa mga nais makapagsimula ng negosyo sa mga probinsiya.
Aniya, sa pamamagitan ng pagpapasok ng mga pamumuhunan sa labas ng Metro areas, marami ang magkakaroon ng trabaho at kabuhayan, na siyang layunin ng BP2 Program na nakatakdang ipatupad kapag natapos na ang krisis sa COVID-19.
“Layunin po ng programang ito na mabigyan ng bagong pag-asa ang mga Pilipino na may hinaharap silang maayos na kinabukasan pagkatapos ng krisis at tutulungan sila kung sakaling gusto nilang bumalik sa kanilang mga probinsya,” paliwanag ni Go ukol sa BP2.
Ipinaliwanag ni Go na dahil sa COVID-19 situation, dapat ikonsidera ng pamahalaan na magsimulang mamuhunan partikular sa produskyon ng mga pangunahing kalakal o pagbibigay ng libreng serbisyo upang malabanan ang naging masamang epekto ng ekonomiya.
“Malaking dahilan po kung bakit napakaraming mga taga-probinsya ang lumuluwas ng Metro Manila ay para makahanap sila ng maayos at disenteng trabaho,” ani Go.
“Ngunit marami sa kanila, nadala na o natagam sa Bisaya dahil paghihirap lang din po ang nadatnan nila sa Metro Manila imbes na mabuting buhay. Kung masisiguro rin po natin na tuluy-tuloy ang paglikha ng trabaho para sa mga kababayan sa mga probinsya, hindi na nila kailangang pumunta pa ng Metro Manila. Ito po ang dahilan kung bakit mahalaga ang partisipasyon ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno at ng private sector dito,” dagdag ng senador.
Ang BP2 program ay long-term plan ng pamahalaan upang i-decongest ang Metro Manila at paunlarin ang mga lalawigan.
Noong May 6, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 114 na siyang lumikha sa BP2 Council at ma-institutionalized ang programa.
Nilagdaa ng Pangulo ang nasabing EO matapos ihain ni Go ang kanyang Senate Resolution No. 380 na in adopt ng Senado noong May 4. (PFT Team)