Advertisers
LABIS na ikinatuwa ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi lumubog sa baha ang karamihan ng lugar sa lungsod nitong nakaraang tatlong malalakas na bagyong humagupit sa bansa kung saan si ‘Ulysses’ ang pinakahuli, dahil dito ay pinag-utos ni Moreno na paigtingin pa ang cleaning at declogging operations sa lungsod upang makatiyak na hindi na babahain ang karamihan ng lugar sa Maynila na karaniwan ng nagaganap tuwing may malakas na bagyo at pag-ulan.
Sa kanyang direktiba kay city engineer Armand Andres, sinabi ni Moreno na ang declogging operations, na ginagawa na araw-araw ay kailangan na paigtingin pa, dahil na napatunayan na epektibo ito upang maiwasan ang pagbaha, gaya ng nangyari sa bagyong ‘Ulysses’.
“Araw-araw ang paglilinis natin ng imburnal, avenida, boulevard, callejon, kalsada, iskinita para pag nagkaroon ng baha, bababa kaagad ang tubig,” sabi ni Moreno.
“Salamat sa Diyos, nakaraos ang Maynila sa ‘Ulysses’ pero hindi ito garantiya… maaring sa susunod na bagyo ay lulubog din ang Maynila,” dagdag ng alkalde, kasabay ng pagtiyak nito sa lahat ng mamamayan ng lungsod na ang araw-araw na declogging sa iba’t-ibang bahagi ng Maynila ay magtutuloy-tuloy.
Pinasalamatan din ni Moreno ang mga residente ng lungsod makaraang makarating sa kaalaman nito na pinakain ang mga kawani ng City Hall na nagsagawa ng declogging operations bilang paraan ng kanilang pagtanaw ng utang na loob sa mga ito.
Dahil dito ay muling nanawagan si Moreno sa lahat ng residente ng Maynila na tulungan ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng hindi pagtatapon ng basura sa kung saan-saan, lalo na sa mga estero, kanal at iba pang daluyan ng tubig.
Binigyang papuri din ng alkalde si Andres at ang mga tauhan nito na patuloy na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagkalas at pag-aayos ng mga nakalaylay at buhol-buhol na kawad ng mga kuryente na hindi lamang pangit sa paningin kundi may dala pang panganib sa publiko.
Idinagdag pa ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ay aktibong nagsasagawa ng pag-aaspalto sa mga lubak-lubak na kalsada para sa kaginhawahan ng mga nagdadaang motorista. (ANDI GARCIA)