Advertisers
Advertisers
Advertisers
TIWALA ang pulisya na malaking sindikato ang nasa likod ng tatlong kabataang nahulihan ng P147 milyong halaga ng shabu sa Caloocan City nitong Sabado.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Director BGen. Ronnie Ylagan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na may nag-utos sa isa sa mga naaresto na maglabas ng mahigit 20 kilos ng shabu.
Naaresto ang tatlong menor de edad sa isinagawang drug buy bust operation sa Barangay 188, Caloocan city, kungsaan 46 bloke ng shabu na may bigat na mahigit 25 kilos at tinatayang P147 milyon ang halaga ang nasamsam ng mga operatoba ng Caloocan City PNP.
Ang mga nahuli ay kinilalang sina Kalif Latif, 24; Akisah Latif, 18; at isang 14-anyos binatilyo.
“Mas mataas yung sa kanila dahil nautakan yung babae ng ating mga operatiba sa chat, may nag-uutos sa babae na mag-release ng ganitong karaming items ng shabu,” ani Ylagan.
Ibinunyag din ni Ylagan na mayroon na silang lead kung saan posibleng nagmumula ang isinusuplay na shabu ng mga naarestong kabataan.
“Meron pa tayong ginagawang follow up investigation hindi pa natin pwedeng sabihin kung saan ito nanggagaling pero patuloy ang ating follow up, upang matukoy natin kung saan yung source nitong magkakapatid na ‘to. Ito yung nakikita ko ngayon na malaki na huli ng Northern Police District,” pahayag pa ni Ylagan.
Ipinahayag naman ni PNP Chief, General Debold M Sinas, na natutuwa siya sa matagumpay na operasyon sa pagkakahuli sa tatlong tulak.
Inutusan na ni Sinas ang District Directors ng limang Police Districts ng Metro Manila sa pamamagitan ni NCRPO Chief, Brig. Gen Vicente Danao Jr., na magsagawa ng mas agresibong anti-illegal drugs operations laban sa kilalang drug personalities.(Gaynor Bonilla)
Next Post