Advertisers
SINIGURO ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi pahihintulutan ng pamahalaang lokal na basta-basta na lamang magpaskil ng kung anu-anong political materials sa alinmang bahagi ng lungsod.
Nasa proseso ang pamahalaang lokal sa paglilinis ng lahat ng kasulok-silukan ng lungsod gayundin ng pangit na imahe na iniwanan ng nakalipas na administrasyon, kaya’t hindi hahayaan na muli itong madumihan ng mga political materials, na ikinukonsidera niyang ‘eyesore’.
“Walang pangalan ng pulitiko sa mga kalsada. Lapida ba ‘yun?” pahayag pa ni Moreno.
Kaugnay nito, nanawagan rin ang alkalde sa mga taong nagnanais na gamitin ang lungsod ng Maynila sa pagpu-promote ng kanilang mga sarili o mga pananaw na pampolitika, na gawin na lang ito sa ibang lugar.
“Don’t immortalize yourself. Malalaman ng utaw (tao) ‘yan kung ano mga nagawa ninyo. Hindi naman makakalimutin ang mga utaw,” aniya pa.
“Dito, lahat, ayoko ng plastada ng pangalan ng mga pulitiko at poster. ‘Wag ny’o babuyin ang Maynila dahil marami pa kaming lilinisin. Nagu-umpisa pa lang kami sa paglilinis at ayokong dugyot ang Maynila,” dagdag pa ng alkalde.
Inihayag pa ni Moreno na mayroon siyang kautusan kay city engineer Armand Andres na alisin ang alinmang posters, tarpaulins at mga kahalintulad na materyales na nagpu-promote ng alinmang politiko o isyung pampolitikal, partikular na ang mga materyales na may mensaheng nagsusulong ng pagkakahati-hati sa mga mamamayan.
“We will be consistent with our efforts, so don’t attempt anymore,” aniya pa.
Matatandaang noong nakaraang buwan, una nang ipinag-utos ni Moreno ang pagtatanggal ng tarpaulin na nagdedeklarang ‘persona non grata’ sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay Moreno, ang hangad niya ay isulong ang pagmamahal at malasakit sa isa’t isa ngayong panahon ng pandemic ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), sa halip na galit, dahil ang mga Pinoy aniya ay dapat na nagkakaisa lalo na ngayong may kinakaharap tayong pandemya. (ANDI GARCIA)