Advertisers
DALAWA katao ang nasawi at tatlo ang sugatan nang sumiklab ang sunog sa residential area ng Barangay 43, Tramo street, Pasay City nitong Lunes ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Cindy Navarro, 29; at Lynn Eboña, 39. Sugatan naman ang fire volunteers na sina Aubrey Mae Bertus, Aeron Aldaba at Rommel Ocenar na pawang nabagsakan ng bahagi ng pader mula sa nasunog na bahay.
Magkasunod na natagpuan ng mga awtoridad ang mga bangkay nina Navarro at Eboña matapos maapula ang sunog na nagsimula 5:30 ng umaga at naapula bago mag-alas-8.
Sinabi ni Fire Supt. Jay Bernard Peñas, hepe ng Pasay City fire station, na hindi nakalabas sa nasusunog na bahay ang 2 babae nang may balikang gamit.
Ayon kay Mary Anne Liro, ina ng nasawi, nailigtas ni Navarro ang kaniyang anak na sanggol nang ibato niya sa asawang nakalabas ng gusali.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region, nagsimula ang sunog sa isang 5-palapag na gusali.
Aabot sa P300,000 ang halaga ng natupok at aabot sa 30 pamilya ang apektado.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa pinagmulan ng apoy.
(Gaynor Bonilla)