Advertisers
UMABOT sa 2 million foreign nationals ang umalis ng bansa mula Enero hanggang Setyembre 2020 sa gitna ng covid-19 pandemic ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon sa BI, malaki ang inaasahang epekto sa kalagayan ng turismo sa bansa ng mass departures ng mga foreigners dahil sa covid-19 pandemic.
Aabot lang naman ng 1.5 million foreigners ang dumating ng Pilipinas, kung saan karamihan ay pumasok ng bansa bago pa man nagpatupad ng travel restrictions ang pamahalaan.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na dahil sa pandemya, sa unang pagkakataon, dumami talaga ang bilang ng mga foreign nationals na umalis ng bansa kaysa pumapasok o dumarating.
Kaya naman ang mga lugar na dati ay punong-puno ng mga turista, manggagawa, o estudyante ay kasalukuyang halos nilalangaw na lamang.
Umaasa naman aniya sila na unti-unting bumalik ang kumpiyansa ng mga foreign nationals at muling bumisita, mag-invest, magtrabaho, o mag-aral sa Pilipinas.
Base sa datos ng BI, ang mga Korean nationals ang nangunguna sa listahan ng mga departures na may 400,000 exits; pumapangalawa ang mga American at Chinese national na may 300,000 exits, at Japanese na may mahigit 166,000 exits. (Josephine Patricio)