MAG-INVEST SA NUTRISYON NG MGA BATANG MAYNILA – ISKO
Para mawala ang pagkabansot, payatot at bulatehin:
Advertisers
NANAWAGAN si MANILA Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga magulang, opisyal ng lungsod at pribadong indibidwal na sama-samang kumilos upang mamuhunan sa kabataan ng lungsod kasabay ng kanyang pangakong palalakasin pa ang programa para maiwasan ang malnutrisyon sa mga ito.
“Palalakasin namin ang programa para mawala ang pagkabansot, pagkapayatot at bulatihin ng batang Maynila,” sabi ni Moreno na tinitiyak din na sa tulong ni Vice Mayor Honey Lacuna at ng konseho ng lungsod na kanyang pinamumunuan, ang mga programang ito ay maisasakatuparan tulad na rin ng mga kasalukuyang programa sa pag-aalaga ng mga libong kabataan sa lungsod.
Sa nakaraang flag-raising ceremony, sinabi ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay kaisa ng pambansang pamahalaan sa pagdiriwang ng National Children’s month kung saan binanggit niya sina Manila social welfare department sa ilalim ni Re Fugoso, Division of City Schools sa pamumuno ni Magdalena Lim, Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan at barangay bureau sa ilalim ni Romeo Bagay, at iba pa, na nagpapatupad na ng mga proyekto na layuning itaguyod ang kapakanan ng mga kabataan ng lungsod.
Ayon sa alkalde ay nagtagumpay na ang pamahalaang lungsod sa pagbibigay sa mga batang mamamayan ng Maynila ng mga kinakailangang vitamins, vaccines at suportang edukasyon bukod pa sa supplemental feeding at sa pagkilos ng DCS na ayon sa alkalde ay nagawang purgahin ang may 222,000.
Hindi naman sa pagbubuhat ng bangko, ayon kay Moreno, ang Maynila ang nanguna sa pagtugon sa panawagan ni President Rodrigo Duterte at education secretary Leonor Briones para sa local government units na mag-adapt sa online education o blended distant learning sa pamamagitan ng pamumudmod ng 137,000 tablets ng libre.
Nagkaloob din ang pamahalaang lokal sa mga mag-aaral ng libreng 290,000 SIM cards na may kargang10gb kada isang buwan para sa internet connectivity.
Base pa sa pinakahuling records, sinabi ni Moreno na ang lungsod ay nagawang isalba mula sa kalye ang libong palaboy na mga bata sa pakikipagtulungan ng social welfare department sa ilalim ni Fugoso at ng Manila Police District (MPD) sa ilalim ni Gen. Rolly Miranda.
Sa kasalukuyan ayon pa sa alkalde ay mahigit 3,000 ang naibalik sa kanilang magulang na isinailalim din sa counselling upang higit na maalagaan ang kanilang mga anak, habang ang iba pang kabataan na nasa 1,100 ang bilang ay nananatili sa iba’t-ibang temporary shelters ng lungsod.
Mayroon namang 1,339 kabataan ang nangangailangan ng special protection at social intervention habang 721 kabataan naman ang biktima ng pang-aabuso at 126 na kabataan naman ay kabilang sa tinatawag na in conflict with the law.
Gayundin ay sinabi ni Moreno na itutulak niya ang programang magtatanim sa isipan ng mga kabataan ng kagandahang asal o good manners and right conduct (GMRC). (ANDI GARCIA)